Solomon, Belen ‘di pa sure sa AVC
MANILA, Philippines — Hindi pa tiyak nina UAAP Season 86 MVP Alyssa Solomon at Bella Belen ng National University kung sasama sa Philippine team pool na maghahanda para sa 2024 AVC Challenge Cup.
Inimbitahan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sina Solomon at Belen na sumama sa Alas Pilipinas women’s national team pool para sa nasabing torneo na nakatakda sa Mayo 22 hanggang 29 sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
“Pinag-iisipan pa po namin kung magjo-join kasi dire-diretso eh,” pahayag ng two-time UAAP champion na si Solomon. “Naghahanap din iyong katawan namin ng pahinga.”
“Siguro after this celebration po, pag-uusapan pa namin,” dagdag pa nito.
Iginiya nina Solomon at Belen ang Lady Bulldogs sa 2-0 sweep sa UST Golden Tigresses.
Dalawa lamang sina Solomon at Belen sa mga collegiate stars na inimbitahan ng PNVF para mapabilang sa national pool.
Ang iba pa ay sina Angel Canino, Casiey Dongallo, Julia Coronel at Thea Gagate.
- Latest