Blue Eagles balik sa porma

MANILA, Philippines — Balik sa porma ang Ateneo de Manila University matapos nilang dagitin ang 73-68 panalo kontra Adamson University sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa MOA Arena sa Pasay City kahapon.
Napigilan ng Ateneo ang bawat subok ng Adamson na humabol at magtuloy-tuloy ng ratsada sa huling quarter upang makuha ang panalo at iakyat ang kanilang kartada sa 2-1 para sa solo ikalawang puwesto sa team standings.
Pinuri naman ni Ateneo interim coach Louie Alas ang kanyang mga bataan dahil sa ipinakita nilang tikas sa oras na naghahabol sila nang malamangan ang mga ito ng Adamson.
“Every team here is capable of beating the other team so we have to go to the game well-prepared especially against Adamson, a well-coached team,” sabi ni Alas.
Sa natitirang 4:16 sa laro at habang naiiwan sa iskor na 52-65, nagpakawala ang Adamson ng 9-2 run sa pamumuno nina Mat Edding, Precious Jonah, at Ray Allen Torres upang maibaba sa anim na puntos ang hinahabol, 61-67, may 1:40 na lang ang natitira sa oras.
Nanatiling naka-pokus ang Blue Eagles, ilang beses nagbalak dumikit ang Falcons subalit kalmado sa free throw line si team captain Jared Bahay kaya naitakas ang importanteng panalo.
Sa unang laro, nirehistro ng Far Eastern University ang unang panalo matapos suwagin ang University of the East, 93-70.
Nilista ng FEU ang 1-1, habang wala pang panalo ang UE sa tatlong laro.
Matapos ang pag-alis ng kanilang mentor na si Chris Gavina, umasa ang UE na mababago ang takbo ng kanilang koponan sa pamumuno ni Hubalde.
- Latest

















