Chad, laging alerto sa nararamdamang sakit

Animnapung taong gulang na ngayon si Chad Borja. Para sa singer ay malaki na ang nagbago sa kanyang buhay kumpara noon.
“Since I learned to play golf for 25 years, mas feeling ko parang mas maganda ‘yung pakiramdam ko ngayon kaysa no’ng panahon na nag-GMA Supershow ako. Kasi mas organized ‘yung ginagawa ko, ‘yung lifestyle, na hindi katulad dati na bara-bara. Kumbaga, wisdom ng isang 60 years old,” makahulugang bungad sa amin ni Chad sa Fast Talk with Boy Abunda.
Noong kabataan ay marami umanong nagkakagusto sa singer. May mga pagkakataong nakikipagkita si Chad sa mga nag-iimbita sa kanya. “Kapag nagkagusto sa iyo, may babae, iba-iba. May proposals na iba-ibang paraan. Kapag sinabing dinner, ‘Libre ka ba sa ganitong oras?’ Alam mo na, na may intensyong iba. ‘Yung iba para mas madali, pinagbibigyan ko. ha-ha-ha! May limit ‘yon, oooops! Hanggang dito lang tayo. Sa totoo lang, minsan nag-aabot-abot na. Naku! Nandito si ganito, nandito si ganyan. Nagkakasabay-sabay ‘yung mga napagbigyan at pagbibigyan pa lang. Napakasarap isipin na paano ko na-handle lahat ‘yon,” masayang kwento niya.
Isa sa mga kantang pinasikat ni Chad ay ang Ikaw Lang na nailunsad noong 1993. Ayon sa singer ay hindi pa raw niya ito nagustuhan noong una. “Honestly, hindi ko masyadong nagustuhan. Kasi no’ng nagbanda ako, ‘yung kinakanta ko totally iba do’n sa Ikaw Lang. Honestly, lately ko lang nagustuhan ‘yung Ikaw Lang, na-appreciate ko. ‘Ang ganda pala ng kanta,’” pagtatapat ng singer.
Hinding-hindi raw makalilimutan ni Chad ang isang pagsubok na kanyang nalampasan halos tatlong dekada na ang nakalilipas. Matatandaang nagkaroon ng thyroid cancer ang singer noon. “I had a parang may lagnat ako. May nakakapa din ako (na bukol sa leeg) hindi sa gitna, nasa side siya eh. Nagpa-MRI ako sa Cardinal Santos, do’n nakita na may lymph node. So nagpa-biopsy, ‘yon nga malignant, rare (case) sa lalaki. But once na meron ka, 99% malignant siya. Ang pinakadelikado na part, ‘yung thyroid, nando’n ‘yung tinatawag na laryngeal nerve na kasing laki ng buhok, na during surgery, kapag nagalaw ‘yon, kahit hindi siya maputol, pwedeng mawala ‘yung boses. No’ng nalaman ko na cancer, I cried for two hours. Iyak lang ako nang iyak. Kasi parang hindi ako makapaniwala na, ‘talaga, may cancer ako?’ But I was ready na kung mawala man (ang boses) okay lang tanggapin ko basta buhay lang ako,” pagdedetalye ni Chad.
Maingat ngayon ang singer sa kanyang pang-araw-araw na gawain. Para kay Chad ay hindi maaaring makampante lalo na kapag mayroon siyang nararamdaman. “Unconsciously parang hindi mo maiwasan na maiisip mo, ‘yung cancer babalik ba? Minsan kapag may maramdaman ako, mahihilo or mapupulikat or something. Ano kaya, kulang kaya ‘yung calcium ko? That’s the time na balik ka naman sa doktor. So hindi ka pwedeng makampante. So ‘yung discipline, ‘yon ang natutunan ko,” pagbabahagi niya. — Reports from JCC
- Latest




















