BINI Mikha pinarusahan ng LTO!

Hindi siguro naisip ni BINI Mikha Lim na habang gusto niyang i-entertain ang kanyang followers habang nagmamaneho ay may violation ‘yun.
Makikita nga sa nag-viral na video na nagmamaneho siya nung nag-livestream kaso nahulog ang phone at hindi niya kaagad makuha.
Eh naka-on ang camera kaya probably pag-stop saka lang niya nadampot ang nasabing cellphone at itinuloy ulit ang pagkanta ng Despacito.
Ang tagal din ng nasabing livestream ni Mikha.
Nagkataon namang naabutan namin sa isang restaurant si Land Transportation Office Assistant Secretary Markus Lacanilao kaya tinanong na namin.
Kinumpirma ni ASec Lacanilao na may nilabag na batas si Mikha base sa video. “Dun sa investigation o dun sa hearing ay may kapabayaan siyang ginawa, o may na-violate na batas. Kagaya ng sinabi ko, ordinaryong tao nape-penalize natin, pati na rin ‘yung mga sikat nape-penalize natin,” pagdidiin ni ASec.
Sa kasalukuyan na naka-impound na ang sasakyan ni Mikha at inisyuhan kaagad siya ng Show Cause Order (SCO). “Kasi dun sa viral video, may mga violation, syempre may anti-distracted driving tayo. May batas naman ‘yon sa may violation lalo na ‘yung mga vlogger na ganyan, dapat hindi nila ‘yun ginagawa.
“So nag-issue kami ng Show Cause Order ngayong umaga (kahapon ng umaga). Naka-alarm ‘yung sasakyan niya at saka naka-suspend ng 90 days ‘yung driver’s license,” kumpirmasyon ni ASec Lacanilao na wala talagang kinatatakutan basta nagkaroon ng violation ay kaagad may SCO na nilalabas ang kanyang opisina.
Pero hindi lang daw ‘yon ang parusa sa miyembro ng sikat na Pinoy Pop Group BINI. “Hindi ibig sabihin ‘yun na ‘yung parusa niya. Ano lang ‘yan, habang gumugulong ‘yung investigation... pero bibigyan siya ng pagkakataon na magpaliwanag,” sabi pa ni ASec Lacanilao na kahapon nga ay agad siyang pinuntahan sa kanyang opisina ni Mikha.
“Pero kung lumabas ang resolution, dun pa lang malalaman kung gaano katagal masu-suspend or mare-revoke. Pero dahil dito sa pangyayaring ito, suspendido na ng 90 days pero after ng hearing tsaka lalabas ‘yung resolution,” dagdag niyang paliwanag.
Agad namang pumunta sa kanyang opisina si Mikha at aniya: “Welcome naman lahat, magpaliwanag. Pwede naman silang magpaliwanag. Ipaliwanag nila ‘yung side nila. Pero ‘yun nga may proseso, mayaman, mahirap, sikat o hindi, talagang pantay-pantay lang naman sa amin.”
Samantala, kinumpirma rin niyang naka-impound pa rin sa LTO ang luxury vehicle ni Derek Ramsay na kinumpiska ng pamahalaan.
Dahil sa diumano’y maling deklarasyon at kulang na pagbabayad ng buwis, naglabas ang Bureau of Customs (BOC) ng warrant of seizure and detention laban sa Porsche supercar na nakarehistro sa pangalan ng aktor.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, isusubasta ang mamahaling sasakyan ni Ramsay matapos itong kumpiskahin pabor sa pamahalaan, dahil inuri ito bilang isang sasakyang nasa mas mababang kategorya.
Pero may gusto raw i-settle kung anuman ang kailangan nitong bayaran.
Lea, pinalakpakan sa ASEAN
Nagtanghal si Lea Salonga sa mga delegado ng ASEAN Inclusive Growth Summit noong Miyerkules, kung saan inawit niya ang ilan sa mga classic Disney song na nagdala sa kanya sa kasikatan sa buong mundo.
Sa mga video na ibinahagi ng ABS-CBN, makikita ngang inaawit ng Broadway icon ang Reflection at A Whole New World, na umani ng palakpakan kung saan kasama sa audience si Angelina Jolie.
Inawit din niya ang Tagumpay Nating Lahat.
Ang nasabing pagtatanghal ay bahagi ng summit, na nagtipon sa mga lider at iba’t ibang personalidad upang talakayin ang “inclusive growth” o inklusibong pag-unlad, at ang kahalagahang matiyak na naririnig ang boses ng bawat isa sa rehiyon ng ASEAN.
Katatapos lang ulit gumawa ni Lea ng kasaysayan bilang unang Pilipinong nakatanggap ng star sa Hollywood Walk of Fame, sa ilalim ng kategoryang Live Performance.
Mga kababaihang sumakses, ipinasilip ang magarbong mundo!
Bubuksan ng iWant sa mga manonood nito ang pinto sa magarbong mundo ng mga Pinay socialite, tampok sina Joanna Preysler-Francisco, Myrza Sison, Karylle Tatlonghari at Trisha Bantigue-Tsao sa bago nitong reality serye na Manila Matriarchs, na mapapanood ngayon sa iWant.
Matutunghayan dito ang bonggang success ng ilan sa Pinay socialites, gaya ng Manila art queen na si Joanna, fashion editorial royalty na si Myrza, multi-awarded actress-singer na si Karylle, at ang bigating CEO na si Trisha.
Ibibida rin dito ang kanilang pang-araw-araw na karanasan kasama ang kani-kanilang pamilya, kaibigan, pati mga pagsubok na kanilang hinaharap.
Inilikha ng award-winning producer Cece Asuncion ang reality serye katuwang din ang Girl Bye Productions Inc. at Lucca Creatives.
Bukod sa pasilip sa kanilang pamumuhay, ibibida rin ng reality serye ang tagumpay at husay ng mga kababaihan sa mundo ng high society.
Palabas na ang Manila Matriarchs, exclusive sa iWant. Libreng mapapanood ang unang episode nito worldwide.
Aabangan din ang bagong episodes pa nito simula Nobyembre 24 (Martes).
Mapapanood ang eight episodes nito sa pamamagitan ng iWant subscription plans sa halagang P35 kada buwan sa Pilipinas, USD 12.99 kada buwan sa United States, at USD 4.99 sa iba pang bahagi ng mundo.
Panoorin ang iba’t ibang kwentong Pinoy sa iWant, ang tahanan ng pinakamalawak na koleksyon ng Filipino feels.
Sarah nagkasakit, naudlot ang pagiging singer!
Naudlot ang naka-schedule na gig ni Sarah Lahbati kasama ang singer na si RJ Pineda at ang banda nito na magaganap sana kagabi, matapos siyang ma-confine sa ospital.
Gaganapin sana ito sa 78 Salcedo, pero sinabi niya sa pamamagitan ng Instagram Stories noong Martes na ililipat na lang ito sa ibang petsa dahil nga sa kanyang pagkakaospital.
Kalakip ng kanyang announcement, nagbahagi rin si Sarah ng larawan mula sa ospital at nagpahayag ng pag-asang sana ay gumaling siya agad.
Hindi naman niya idinetalye ang kanyang sakit, pero tiniyak niya sa kanyang followers na matutuloy ang nasabing gig sa ibang araw. “I’m sorry to share that tomorrow’s show at @78salcedo with @rj_pineda and the band will have to be postponed due to health reasons. I’m currently in the hospital and hoping to recover soon.
“Thank you so much for your understanding. I hope to see you all again soon once we have a new date.”
Sumi-singer lately si Sarah.
- Latest



















