Lyceum, Mapua unahan sa panalo
MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang Mapua University at Lyceum of the Philippines University na makasampa sa win column sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament.
Magtutuos ang Cardinals at Pirates ngayong alas-3 ng hapon sa Group A kasunod ang banatan ng University of Perpetual Help System DALTA Altas at San Sebastian College-Recoletos Stags sa alas-5 ng hapon sa Group B sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
Kapwa nakalasap ng kabiguan ang Mapua, nagkampeon sa NCAA Season 100 na tumapos sa kanilang 33-taong tagtuyot sa titulo simula noong 1991, at Lyceum sa una nilang laro.
Minalas ang Cardinals sa Jose Rizal Heavy Bombers, 64-65, habang talo ang Pirates sa St. Benilde Blazers, 82-98.
Sasandal ang Mapua ni coach Chito Victolero kina Cyrus Cuenco, Cyril Gonzales, Yam Concepcion, Cyrus Nitura at Icee Callangan.
Samantala, ang back-to-back wins ang target ng Perpetual sa pagharap sa San Sebastian.
Sinuwag ng Altas ang unang panalo matapos talunin ang Emilio Aguinaldo College Generals, 83-72, para makabangon mula sa naunang 77-84 talo sa Letran Knights.
Talo naman ang Stags sa Arellano Chiefs, 72-98, at sa Knights, 82-99, para sa kanilang 0-2 marka.
- Latest





















