Bagong silang na sanggol itinapon sa basurahan
MANILA, Philippines —Nagulantang ang mga residente matapos madiskubre ang bangkay ng isang bagong silang na sanggol na nakasilid sa plastic at itinapon sa basurahan sa tabi ng Diversion Road, Brgy. Lumbo, Valencia City, Bukidnon nitong Sabado.
Batay sa report ng Bukidnon Provincial Police Office (PPO), isang concerned citizen ang nakadiskubre sa patay na sanggol ng mapagawi ito sa lugar. Laking gulat ng nasabing concerned citizen nang buksan ang trash bin upang magtapon sana ng munting basura nang mabulaga ito sa patay na sanggol na itinapon dito kaya agad itong inireport sa mga awtoridad.
Nagresponde ang mga operatiba at sinuri ang basurahan kung saan natagpuan ang sanggol na hindi natukoy kung lalaki o babae. Nakakabit pa ang inunan ng madiskubre ang sanggol sa nasabing basurahan at may bahid pa ng dugo ang tela na ipinambalot sa katawan nito.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung sino ang ina ng sanggol at maging ang responsable sa pagtatapon ng bangkay nito sa lugar.
- Latest





















