‘Persons of interest’ natukoy sa ambush-slay ng Basilan judge
MANILA, Philippines — Natukoy na ng mga awtoridad ang ilang person of interest kaugnay ng ambush-slay kay Basilan Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Joseph Wee Sit na pinagbabaril sa Zamboanga City noong Huwebes ng umaga.
Tiwala naman ang Zamboanga City Police na mapapabilis ang pagresolba sa kasong ito kasunod ng alok na P2 milyon reward ni Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para maaresto ang mga salarin at matukoy ang mastermind. Nasa P1.5 milyon ang galing sa personal na pondo ni Olaso at P500,000 mula sa hindi na tinukoy na donors.
Sa pahayag ni PRO-9 Spokesperson P/Lt Col. Shellamie Shang, kabilang sa mga nakalap na ebidensya ang walong fired cartridge cases sa crime scene at CCTV footage na nagpapakita sa isang puting motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki. Isinasapinal na rin ang cartographic sketches ng riding-in-tandem na mga salarin.
Samantala, may natagpuan ding abandonahong motorsiklo na may 13 kilometo ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen.
Nag-iimbestiga pa ang binuong Special Investigation Task Group kasunod sa pag-ambush sa judge kabilang ang mga high profile na kasong hawak nito upang maresolba ang krimen at mabigyan ng hustisya ang sinapit nito.
Magugunita na ang biktima na lulan ng kaniyang behikulo ay bumibiyahe patungo sa pantalan upang sumakay ng ferry patungong Basilan nang tambangan ng mga salarin sa highway ng Brgy. Tumaga ng lungsod.
- Latest

















