Binatilyo, bali ang buto sa palo ng pulis

Sa police checkpoint…
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang mga pulis mula sa Baliwag, Bulacan matapos umanong hampasin ng baril sa braso ang isang 17-anyos na binatilyo sa isang police checkpoint.
Batay sa ulat na noong Oktubre 31, 2026, ay minamaneho ng 17-anyos na lalaki ang kanyang motorsiklo kasama ang tiyuhin nang lampasan nila ang isang checkpoint sa Pulilan–Baliuag Bypass Road na hindi umano nila napansin dahil walang nakalagay na karatula.
Bigla silang hinabol at pinalo nang mahabang baril sa braso ang binatilyo, habang sinuntok naman ang kanyang tiyuhin.
Dinala sila sa himpilan ng pulisya, binigyan ng citation ticket, at inimpound ang motorsiklo nang hindi dumaan sa medikal na pagsusuri.
Nang magpasuri sa X-ray, natuklasang bali ang kanang braso ng binatilyo at maaaring mangailangan pa ng operasyon o paglalagay ng bakal.
Nitong Biyernes, Nobyembre 13, 2026 ay dumulog at pormal na naghain ng reklamo sa NAPOLCOM ang biktima at ang kanyang ama.
Pinagpapaliwanag ng NAPOLCOM at Police Regional Office 3 (PRO3) ang provincial director ng Bulacan Police at ang hepe ng Baliwag Police Station upang matukoy ang mga pulis na sangkot at kung dumaan sa tamang panuntunan ang nasabing checkpoint.
“Ang isang itinatag na checkpoint ay dapat malinaw na may marka, maayos na pinamumunuan ng isang opisyal, at nasa maliwanag at kitang-kitang lugar, hindi sa madilim na sulok. Iniimbestigahan pa namin ang mga pangyayari sa insidenteng ito, at hindi ako maaaring magbigay ng hatol batay lamang sa salaysay ng nagrereklamo,” wika ni Napolcom Commissioner Rafael Vicente Calinisan.
Ayon pa kay Calinisan, ang pagpalo ng riple sa isang bata na naging sanhi ng pagkabali ng buto, lalo na kung hindi umano nabigyan ng tamang atensyong medikal ay isang bagay na hindi tama.
- Latest















