Estudyante todas sa bumukas na engine cover ng bus
MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 20-anyos na college student matapos tamaan nang bumukas na takip ng makina ng isang bus habang naghihintay ng masasakyan sa Maharlika Highway, Barangay Tagbakin, Atimonan, Quezon, madaling araw nitong Huwebes.
Sa ulat ng Atimonan Police Station, dakong alas-12:15 ng madaling araw nang biglang bumukas ang kanang bahagi ng takip ng engine compartment ng bus habang binabaybay nito ang highway, malapit sa isang fast-food restaurant. Nakatayo sa gilid ng kalsada ang biktima at naghihintay ng masasakyan patungong Maynila nang tamaan ng naturang takip.
Dahil sa lakas nang pagkakatama, tumilapon nang ilang metro ang estudyante at nagtamo nang malubhang pinsala sa katawan. Agad siyang isinugod sa Doña Marta Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.
Ayon kay Atimonan Police Chief Maj. Allan Hernandez, inamin ng driver na hindi niya napansing bumukas ang takip ng makina habang bumibiyahe patungong Maynila. Gayunman, sinabi ng opisyal na dapat napansin ng driver ang nakabukas na takip habang umaandar ang bus.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
- Latest

















