Bagong SC Chief Justice, kaya ba ang hamon?
Malayo na ang narating ng Supreme Court sa pagsusulong ng mga reporma sa hudikatura. Ngunit sa pagdating ng bagong Chief Justice, may hamong hindi kayang sagutin ng modernisasyon lamang: tiyaking ang mga desisyon ng pinakamataas na hukuman ay hindi lamang tama sa batas, kundi napapanahon at may tunay na kabuluhan sa buhay ng mga Pilipino.
Para sa ordinaryong mamamayan, ang hustisya ay hindi lamang nakasulat sa desisyon ng korte. Ito ang pag-asang maipagtanggol ang karapatan, maituwid ang pang-aabuso, at mapanagot ang nagkasala. Ngunit kapag labis ang pagkaantala, nauubos ang pera, pagkakataon, at tiwala sa sistema. Ano ang silbi ng pagkapanalo kung huli na ang lahat?
Lalong mahalaga ito sa mga usaping konstitusyonal, eleksyon, at pambansang kontrobersiya. May mga pagkakataong dumarating ang desisyon kapag nagbago na ang sitwasyon o wala nang praktikal na lunas. Sa batas, moot and academic. Sa karaniwang Pilipino, wala nang saysay. Minsan, nagiging katatawanan pa ang sistemang dapat sana’y pinagmumulan ng katarungan.
Hindi natin kinukuwestiyon ang kakayahan ng mga mahistrado. Kailangang maging masusi, patas, at malaya ang bawat paghatol. Ngunit hindi dapat maging dahilan ang masusing deliberasyon upang mawalan ng kabuluhan ang hustisya. Ang judicial independence ay hindi lamang proteksiyon laban sa panghihimasok; may kaakibat din itong pananagutang kumilos nang napapanahon.
Dapat maging prayoridad ng susunod na Chief Justice ang agarang pagresolba sa mga kasong may pambansang implikasyon. Kailangan ng malinaw na pamantayan sa urgency, epektibong case monitoring, at makatwirang panahon ng pagdedesisyon. Hindi ito panawagang madaliin ang hustisya, kundi pigilan itong mahuli habang pinangangalagaan ang due process.
Hindi sapat ang digitalization kung mabagal pa rin ang mga kaso. Hindi sapat ang modernong pasilidad kung ang mahihirap ay patuloy na naghihintay. Ang tunay na sukatan ng reporma ay kung nararamdaman ng mamamayan ang proteksiyon ng batas habang kailangan pa nila ito.
Ang Supreme Court ay haligi ng demokrasya. Kapag nauunahan ng mga pangyayari ang mahahalagang desisyon, nanganganib na humina ang tiwala ng publiko. Ang pinakamataas na hukuman ay hindi dapat maging tagapagsalaysay lamang ng mga kontrobersiyang natapos na, kundi tagapagtanggol ng mga karapatang nanganganib ngayon.
Ang Supreme Court ang huling takbuhan ng mga Pilipinong naghahanap ng katarungan. Ngunit kung dumarating ang desisyon kapag wala nang saysay, sino pa ang kanilang tatakbuhan? Ang hustisya ay hindi dapat nahuhuli sa kasaysayan. Sapagkat ang tamang desisyong huli na ay maaaring tagumpay ng batas sa papel, ngunit kabiguan ng katarungan sa tunay na buhay.
- Latest


















