Kampo ni Sara, nakikisakay sa tagumpay ng mamamayan
Isang malaking tagumpay para sa transparency, accountability, at budget reforms ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng mga pambansang badyet para sa 2024, 2025, at 2026.
Binabati natin sina yumaong Rep. Edcel Lagman, retiradong Supreme Court Justice Antonio Carpio, Prof. Cielo Magno, at ML Party-list Rep. Leila de Lima, ilan sa mga nanguna sa laban para sa reporma sa badyet, partikular sa kontrobersiyal na unprogrammed appropriations.
Mahalaga ang desisyong ito dahil nililinaw nito ang mga limitasyon sa paggamit ng unprogrammed appropriations at pinatitibay ang prinsipyong ang paggasta ng pera ng bayan ay dapat may malinaw na batayan, naaayon sa Konstitusyon, at may pananagutan. Hindi blangkong tseke ang pambansang badyet para sa mga kapritso ng mga trapo.
Hindi basta nahulog mula sa langit ang tagumpay na ito. Bunga ito ng tuluy-tuloy na laban ng mga tunay na kampeon laban sa korapsyon. Sa bansang maraming magaling lang kapag nasa harap ng kamera, dapat kilalanin ang mga tunay na kumilos at nanindigan.
Dito makikita ang malaking pagkakaiba ng mga tagapagtaguyod ng reporma gaya nina Leila de Lima, Chel Diokno, Cielo Magno, at Heidi Mendoza sa mga oportunista ng Duterte Karton Network na nakikisakay lang sa laban at tagumpay ng mamamayan.
Nakakatawa. Pilit inaangkin ng kampo ni Sara ang makasaysayang desisyon ng SC sa badyet. Si Digong at Sara raw ang nanguna. Wow! Ang kapal naman ng mga mukha!
Nagsimula silang magpanggap na mga kampeon laban sa korapsyon nang mabasag ang alyansa nila kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Kung hindi sila nagkawatak-watak, malamang na tahimik pa rin ang mga Duterte sa isyu ng korapsyon.
Ang totoo, hindi sila galit sa korapsyon. Galit lang sila sa mga kalaban nila sa politika.
Malayo ito sa paninindigan ng ating mga kampeon. Hindi lamang sila nagsalita laban sa katiwalian at dumulog sa Korte Suprema; naging bahagi rin sila ng mga kilusan at alyansang patuloy na nagsusulong ng katarungan at pananagutan.
Sa mga tunay na nagtaguyod ng reporma, saludo kami sa inyo!
Sa Duterte Karton Network na ginagawang costume party ang kampanya laban sa korapsyon at nakikisakay sa tagumpay ng mamamayan: Hoy, hindi ninyo kami maloloko!
- Latest















