57-anyos retirement age ng PNP, BJMP at BFP isinulong
MANILA, Philippines — Suportado ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), at National Police Commission (NAPOLCOM) ang mga panukalang batas na magtataas sa 57 taong gulang mula sa kasalukuyang 56 ang compulsory retirement age ng kanilang mga tauhan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinangunahan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, tinalakay ang posibleng epekto ng panukala sa promosyon ng mga nakababatang opisyal. Ayon sa NAPOLCOM, maaaring mabalam ang pag-angat sa ranggo kung maaantala ang pagreretiro ng mga nakatataas na opisyal.
Nakapaloob sa Senate Bills 2395 at 2396 ang pagtataas ng retirement age para sa mga tauhan ng PNP, BJMP at BFP. May probisyon din na nagbibigay ng opsyon sa mga tauhang malapit nang magretiro na manatili sa edad na 56.
Ayon sa mga ahensiya, makatutulong ang panukala upang magkaroon ng mas mahabang panahon ang kanilang mga opisyal para maipatupad ang mga reporma at maipasa ang kanilang karanasan at kaalaman sa organisasyon. Iaayon din nito ang retirement framework ng PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP), na may compulsory retirement age na 57.
Tinataya naman ng Department of Budget and Management (DBM) na maaaring makatipid ang gobyerno ng P10.74 bilyon sa 2027 dahil sa naantalang retirement at terminal leave benefits. Gayunman, sinabi ni Lacson na maaari ring tumaas ang gastusin sa mga susunod na taon dahil sa mas mataas na retirement benefits, longevity pay at naipong leave credits ng mga tauhan.
- Latest




















