Lalaki sa Japan, kinuyog ng mga unggoy!
ISANG 40-anyos na lalaki sa hot spring town ng Yugawara sa Kanagawa Prefecture, Japan ang isinugod sa ospital matapos siyang palibutan at kagatin ng grupo ng mga unggoy habang naglalakad.
Ayon sa ulat, bandang 6:50 ng umaga nang dumaan ang lalaki sa entrance ng isang inn nang bigla siyang lapitan ng tinatayang isang dosenang unggoy. Pinalibutan umano siya ng mga hayop saka pinagtulungang kagatin sa kamay. Nakatakas ang lalaki at kalaunan ay dinala sa ospital upang gamutin ang kanyang mga sugat.
Pinaniniwalaang kabilang ang mga unggoy sa grupong tinatawag ng mga residente bilang Troop T1, na matagal nang iniuugnay sa mga insidente ng agresibong pag-uugali sa bayan. Hindi na rin umano nananatili sa kagubatan ang mga unggoy. Madalas na silang makita sa mga residential at commercial area ng Yugawara, kabilang ang mga kalsada at paligid ng mga bahay.
Noong 2025, naiulat na may mahigit 900 kaso ng pag-atake ng Troop T1. May isang magsasaka na nag-report na pinalibutan siya ng grupo habang nag-aani ng melon at citrus fruits. May mga ulat din pumapasok ang mga ito sa mga bahay matapos sirain ang screen doors o buksan ang sliding glass doors upang makakuha ng pagkain.
Mahalaga ang turismo sa ekonomiya ng Yugawara dahil kilala ito sa mga hot spring at inn. Marami rin sa mga residente nito ay senior citizens, dahilan upang ikabahala ng local government ang posibilidad ng mas marami pang pag-atake.
Mula pa noong nakaraang taon, humihingi na umano ng pahintulot ang city government mula sa Kanagawa prefectural government upang hulihin ang buong Troop T1, ngunit hindi pa ito naaprubahan. Hindi pa malinaw kung bakit lalong nagiging agresibo ang mga unggoy.
Pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang publiko na huwag pakainin o galitin ang mga ito at agad tumawag sa pulisya kapag nakakita ng grupo ng mga unggoy sa bayan.
- Latest















