Bigas sa pantalan, duda sa bayan
Habang kumakayod ang ordinaryong Pilipino para may maihain sa hapag, heto na naman ang usapin ng tone-toneladang bigas mula Vietnam na pinaghihinalaang pumasok sa bansa nang may sabit sa mga permit. Ang tinatayang halaga ng dalawang kargamento? P700 milyon. Hindi barya ang pinag-uusapan, kundi bigas na direktang may kinalaman sa sikmura at kabuhayan ng mamamayan.
Halos 20,000 metriko tonelada ng bigas ang naharang sa magkahiwalay na pantalan sa Davao at Bataan dahil sa mga umano’y paglabag sa mga rekisito sa pag-aangkat. Kabilang sa mga sinusuri ang isang kargamentong 12,500 tonelada na nakalaan sa isang malaking importer. Ayon sa mga grupong nagsiwalat ng isyu, binawi umano ang sanitary at phytosanitary import clearance nito. May ulat din na sinubukang umalis ng barko sa pantalan bago ito naharang at naibalik.
Sa ganitong kalaking kargamento, hindi sapat ang sagot na may nahuli na at may mga dokumentong hawak na ang mga awtoridad. Ang mas mahalagang tanong paano nakalusot sa proseso ang mga kargamentong pinaghihinalaang may problema? Sino ang nag-apruba, sino ang dapat managot, at may susunod bang hakbang laban sa mga mapatutunayang lumabag?
Nararapat ding siyasatin nang patas ang posibleng ugnayan ng negosyo at mga taong may papel sa pamamahala o regulasyon ng pag-aangkat ng bigas. Hindi awtomatikong patunay ng kasalanan ang koneksiyon ng isang opisyal sa isang kompanya. Pero kung may posibleng salungatan ng interes, dapat itong linawin sa publiko. Walang puwang ang palakasan kung kapakanan ng bayan ang nakataya.
Mas nakakabahala ang datos na 132 kasong may kaugnayan sa pagpupuslit ng produktong agrikultural ang naitala mula 2021 hanggang 2025, ngunit apat lamang umano ang naisampa sa Department of Justice. Kung tama ang bilang, malinaw na hindi sapat ang paghuli at pagkumpiska. Dapat may malinaw na pananagutan at kasong umaabot sa korte kapag may sapat na ebidensiya.
Sa usapin ng bigas, hindi lang negosyo ang nakataya. Kabuhayan ito ng mga magsasaka, presyo sa palengke at pagkain ng pamilyang kapos na kapos na sa budget.
Kaya dapat imbestigahan ang bawat dokumento, sundan ang bawat transaksiyon at ilantad ang katotohanan. Kung may lumabag, panagutin. Kung walang sapat na ebidensiya, huwag magbintang.
Dahil ang hustisya sa bigas ay hindi dapat nakadepende sa laki ng negosyo o bigat ng pangalan.
Disclaimer: Ang komentaryong ito ay batay sa mga naiulat na alegasyon at impormasyong inilabas ng mga grupong may kinalaman sa usapin. Patuloy pang iniimbestigahan ang mga insidente at hindi pa pinal na napapatunayan sa batas ang mga umano’y paglabag. Ang lahat ng sangkot ay dapat bigyan ng pagkakataong marinig at ipagtanggol ang kanilang panig.
- Latest















