Lolang Pinay, barber ng seniors sa Amerika
Pamilyar na tanawin sa opisina ng Pan American Concerned Citizens Action League (PACCAL) sa Jersey City, New Jersey sa United States ang 72-anyos na lolang Pinay na barbero na si Flocerfida Samaniego.
Ang PACCAL ay isang non-profit organization na itinatag noong 1992 para serbisyuhan ang pangangailangan ng mga Pilipinong dumayo sa Jersey City. Kabilang sa kanilang tinutulungan ang mga senior citizens sa lungsod.
Ayon kay Cristina DC Pastor sa FilAm magazine, minsan sa isang buwan ay pumupunta si Samaniego sa tanggapan ng PACCAL para gumupit ng buhok ng mga kababayan niyang senior citizen dito. Naniningil siya ng $20 na ang unang kalahati ay binabayaran ng kliyente habang ang natitirang kalahati ay sagot ng organisasyon. Halos isang taon na itong ginagawa ni Samaniego habang isinusulat ito. Bukod dito, regular siyang kumikita sa kanyang trabaho sa isang beauty salon na binalanse niya sa maliit pero makahulugang serbisyo sa mga seniors sa PACCAL.
Okay lang kay Saminiego na patuloy na nagtatrabaho sa kabila ng matanda niyang edad dahil kumikita naman siya. Para sa kanya, higit pa sa kinikita niyang maliit na dolyar ang buwanang sesyon ng paggugupit niya sa mga senior citizen sa Jersey City. Ito anya ang sandali na meron siyang nakakasama. Mas mahalaga sa kanya na merong nakakausap kaysa mismong trabaho. “Mag-isa lang ako. Kahit paano, dito may nakakausap,” sabi niya.
Magandang bahagi ng gawain niya ang pagpunta sa PACCAL. Kinukuwentuhan siya ng kanyang mga kustomer ng kanilang mga paglalakbay at buhay. “Ok naman, marami silang kuwento,” dagdag niya. “Mga biyahe nila, kung saan-saan sila nagpunta.”
Tatlong dekada na siyang gumugupit ng buhok. Natutuhan niya ito sa kanyang nanay na isang beautician sa San Ildefonso, Bulacan noong araw. Panganay siya sa siyam na magkakapatid.
Unang dumayo si Samaniego sa Amerika noong 1990s. Ipinetisyon siya roon ng isang beauty salon hanggang maging American citizen siya noong 1998.
Meron pa siyang pamilya sa Pilipinas at may dalawang kapatid na nakatira sa California (USA). Balak niyang sa Amerika na magretiro. “Andito ang health insurance, ako pa naman lagi may sakit,” pagdadahilan niya.
Mabagal na siyang kumilos dahil sa katandaan. Noong nakaraang taon ay pitong beses na siyang nadadapa o natutumba sa lupa o sahig. Gumagamit siya ngayon ng shopping cart sa paglalakad sa paligid. Ayaw niyang gumamit ng tungkod. “Ayoko, nakakahiya,” sambit pa niya.
* * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest



















