Gatchalian sa publiko: Tutukan impeachment trial

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Senate President Sherwin Gatchalian ang publiko na subaybayan ang impeachment trial ni Vice Pres. Sara Duterte na sisimulan ngayong Lunes.
“Itong impeachment trial part ng ating proseso sa pananagutan o accountability, at ito ay importanteng proseso para masigurado natin na ang mga institusyon ay gumagana at hindi maulit ‘yung mga ganitong hindi magandang gawain ng lingkod bayan, so napakahalagang masundan ng ating kababayan itong proseso na ito,” pahayag ni Gatchalian.
Ipapaliwanag ng Senado, bilang impeachment court, ang mga proseso sa paraan na madaling maunawaan ng publiko upang masundan nila ang mga talakayan sa paglilitis.
Hindi lamang ang impeachment trial ang pagtutuunan ng pansin ng Senado dahil mayroon ding ibang dapat gawin ang mga senador.
Binanggit din ni Gatchalian na pinaghahandaan ng Senado maging ang mga kilos-protesta na posibleng gawin at ang isyu ni Sen. Rodante Marcoleta na nahaharap sa kasong plunder.
“Pinaghahandaan ‘yung possible scenarios, but I don’t want to discuss dahil may mga remedies pa siyang (Marcoleta) na puwedeng gamitin. Pero lahat ng scenarios, kasama na dito ‘yung paghahanda sa mga rallies,” ani Gatchalian.
Napaulat na sinabi ni P/Colonel Allen Rae Co, hepe ng PNP-Public Information Office, na kung mailabas ang warrant of arrest laban kay Marcoleta habang nasa loob siya ng Senado, makikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamunuan ng Senado.
- Latest



















