Torre, idineklarang ‘winner by default’

MANILA, Philippines — Si PNP Chief PGen. Nicolas Torre III ang idineklarang nagwagi sa idinaos na “Boxing for a Cause: Laban Para sa Nasalanta” event sa Rizal Memorial Coliseum kahapon matapos na hindi sumipot sa laban si acting Davao City mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Alas-10:30 ng umaga nang umakyat sa ring si Torre upang hintayin kung sisipot si Duterte sa kanilang sagupaan.
Gayunman, kaagad din siyang idineklarang winner by default ng referee nang matapos ang 10 segundo ay hindi pa rin dumating ang kanyang kalaban.
Libu-libong katao ang nagtungo sa Rizal Coliseum upang manood sana ng pinakaaabangang boxing match nina Torre at Baste.
Bago ang main event, nagkaroon ng tatlong undercard matches na siyang pinanood ng mga taong dumalo sa aktibidad.
Ayon kay Torre, aabot sa P300,000 halaga ng entrance fee at higit sa P16 milyong donasyon ang nalikom ng PNP sa naturang boxing match.
Ang naturang halaga ay iti-turn over nila sa DSWD upang gamiting pantulong sa mga mamamayang naapektuhan ng sunud-sunod na mga bagyo at habagat na pumasok sa bansa kamakailan.
Ibinasura na rin ni Torre ang anumang posibilidad na magkaroon pa ng panibagong boxing match sa pagitan nila ng acting mayor at sinabing wala nang anumang logic ang pahayag nito.
Marami rin aniyang mas mahalagang bagay na dapat gampanan sa halip na patulang muli si Duterte.
“I have a lot of work and this is not worth responding to,” ani Torre. “As you can see, we exerted a lot of effort in this event. I don’t think he is worth responding to at this point. We should just let him be in his own world.”
Matatandaang hinamon ni Baste si Torre sa isang suntukan na kaagad tinanggap ng heneral.
Gayunman, nagbigay muna ng ilang kondisyon si Duterte bago ituloy ang laban, kabilang na dito ang pagpapa-drug test sa lahat ng government officials.
Nitong Biyernes ay nakatanggap ng impormasyon ang NBI na si Duterte, kasama ang kanyang pamilya, ay lumipad na patungong Singapore.
- Latest

















