Parak todas sa 7-anyos anak!
MANILA, Philippines — Patay ang isang 44-anyos na pulis nang barilin ng kanyang 7-anyos na anak na lalaki habang nakikipagtalo sa kanyang kinakasama sa loob ng kanilang bahay, kamakalawa ng hapon sa Sagay City, Negros Occidental.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor ang buhay ni Police Staff Sgt. Lernie Alacha, ng Sagay City Police Office, na nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa leeg.
Nasa kustodiya naman ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Sagay City Police Station ang bata para sa imbestigasyon.
Ayon kay Police Captain Judesses Catalogo, tagapagsalita ng Negros Occidental Police Provincial Office (PPO), naganap ang insidente dakong ala-1:10 ng hapon sa loob ng bahay ng pamilya sa Barangay San Andres ng nasbaing lungsod.
Kinumpronta ng biktimang pulis sa loob ng kanilang kuwarto ang kanyang live-in partner matapos na magselos ito dahil marami itong mga text message sa kanyang mga tiktok followers na karamihan ay mga lalaki.
Nauwi ang usapan sa mainitang pagtatalo na narinig ng 7-anyos nilang anak na agad kinuha ang Glock 17 9mm caliber na service firearm ng kanyang ama na nakalagay sa plastic box sa labas ng kuwarto.
Matapos nito ay pumasok sa kuwarto ang bata at itinutok ang baril sa kanyang ama at binaril na tumama sa kanyang leeg.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ng ina ng suspek na madalas siyang sinasaktan ng biktima dahil sa selos maging ang kanilang anak.
Payo ni Catalogo sa mga pulis na itago ang kanilang mga baril at huwag hayaang nakikita ng mga anak para na rin sa kanilang seguridad at kaligtasan.
- Latest