Halos P11-M jackpot sa Lotto 6/42 solong napanalunan
MANILA, Philippines — Tinamaan ng nag-iisang mananaya ang halos P11 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42, ayon sa ginawang pagbola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes.
Nakuha kasi ng naturang bettor ang sumusunod na winning combination kahapon: 22-17-01-29-11-16.
Wala pa namang inaanunsyo ang naturang government-owned and controlled corporation (GOCC) kung saang lungsod o probinsya nabili ang winning ticket.
Sa kabila nito, hindi makukuha ng mananaya ang kabuuan ng P10,990,641.60 jackpot prize alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ayon sa naturang batas, kinakailangang buwisan ang lahat ng lotto winnings na lagpas P10,000.
Kinakailangan ding makuha ang mga naturang winnings sa loob ng isang taon matapos ang araw ng pagbola ng mga numero upang maiwasang ma-forfeit patungo sa charity fund ng PCSO.
Samantala, wala namang pinalad makakuha ng P144.24 milyon jackpot at P15.84 milyong jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58 at Superlotto 6/49 kahapon.
Nangyari ang naturang pagkapanalo mahigit isang buwan maatapos ang kontrobersiya ng pag-e-edit ng PCSO sa litrato ng lotto winners.
Hindi tuloy maiwasan ng ilang netizens ipahayag ang pagkadismaya sa PCSO, dahilan para magduda na ang ilan kung totoo ba talaga ang mga nananalo.
- Latest
- Trending