Walang dayaan sa 2022 polls - Comelec
MANILA, Philippines — Muling nanindigan ang Commission on Elections (COMELEC) na walang dayaan na nangyari sa 2022 National and Local Elections (NLE) makaraan ang mga inilabas na akusasyon ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio Jr.
Partikular na kinuwestiyon ni Rio ang tungkol sa transmission ng resulta mula sa pribado at mga magkakatulad na IP address sa mga lugar sa Metro Manila, Cavite, at Batangas sa nakaraang halalan.
Ngunit sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na walang requirement sa batas na dapat magkaiba o magkakapareho ang IP addresses ng lahat ng modem. Sinabi niya na mayroong 20,300 modems na may magkakaparehong IP address noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag niya na ang 4G network modems ay nabili para sa Comelec-leased vote counting machines (VCMs) gayundin para sa 5,000 nasira nang mga modem mula sa mga VCM na binili noong 2016 at kalaunan ay na-refurbished para sa NLE 2022.
Kung babaguhin umano ang magkakaparehong IP adress ng higit 20,000 modems, aabutin ito ng ilang buwan at hindi aabot sa halalan.
Itinanggi rin ni Garcia ang akusasyon na may “man-in-the-middle” sa transmission ng NLE results.
Patunay umano na walang bahid ang NLE 2022 ay ang 99.97% accuracy ng mga printed election returns at electronically-transmitted returns base sa mga election watchdogs na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPRCV) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL).
Bukod pa dito ang 99.949% accuracy sa isinagawang random manual audit sa mga balota na hawak ng mga city at municipal treasuries sa 748 clustered precincts.
- Latest