Chinese drug dealer, 2 pa timbog sa P17.2 milyong shabu
MANILA, Philippines — Nalambat ng pulisya ang tatlong hinihinalang bigtime drug dealer kabilang ang isang Chinese matapos masamsaman ng may P17.2 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operations sa isang pribadong subdivision sa Brgy. Sampaloc 4, lungsod ng Dasmariñas sa Cavite, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Dasmariñas Police ang mga suspek na sina Zhiming Liu alias “Ken Liu”, 29-anyos, Chinese national, residente ng Manila River City, Colorado Bldg, Binondo, Manila; Franz Marmon Magbo Marteja, 32-anyos, ng Bukal Sur, Candelaria, Quezon at Jim Paul Salalil Arceo, 33, ng Sapang Maragul, Tarlac.
Sa ulat, alas-6 ng gabi nang ilatag ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Intelligence Service, PDEA IV-A Cavite PO, PDEA RO-NCR SIU North, TF NOAH, Team Navy, Dasmariñas Police-DEU at Cavite Provincial-DEU ang isang buy-bust laban sa mga suspek.
Naganap ang buy-bust sa Lot 5 Blk 3 St. Charbel Phase II Subdivision, Sampaloc IV, Dasmariñas, isang pribadong Subdivision kung saan nangungupahan ang mga suspek.
Nabatid na ilang araw ding isinailalim sa surveillance operation ang lugar at mga suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang mahigit 2.5 kilong shabu na nakalagay sa mga teabags na may halagang P17,200,000; mga identification cards at iba’t ibang uri ng dokumento.
- Latest