^

Bansa

Arrest warrant vs. Joma Sison, 37 pa inilabas ng korte

James Relativo - Philstar.com
Arrest warrant vs. Joma Sison, 37 pa inilabas ng korte
Tugon ni Sison, imposibleng may kagagawan siya sa Inopacan massacre, na tinatawag niyang peke, dahil nasa maximum security detention pa siya nang diumano'y mangyari ito sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
ndfp.org

MANILA, Philippines — Iniutos ng isang korte mula sa Maynila na maaresto ang founding chairperson ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison, kasama ang 37 iba pa, kaugnay ng diumano'y Inopacan massacre sa Leyte noong dekada '80.

Inisyu ni Presiding Judge Thelma Bunyi-Medina ng Regional Trial Court Branch 32 sa Maynila ang warrant of arrest na pinetsahan ika-28 ng Agosto, 2019, ayon sa ulat ng Philippine News Agency.

Inilabas ang warrant matapos utos ni Medina noong ika-22 ng Agosto, 2019 nang makakita ng "probable cause."

Kasama rin sa ipinaaresto si Juliet de Lima, kanyang asawa at dating peace negotiator ng National Democratic Front of the Philippines.

Kalakip ng reklamo ay 15 counts ng pagpaslang kaugnay ng sinasabing masaker, na iniuugnay sa sinasabing "pagpupurga" ng New People's Army sa mga pinaghihinalaang ahente ng militar sa kanilang hanay.

Maliban kina Sison at De Lima, kasama sa arrest warrant sina:

  • Rodolfo Salas alyas "Ka Bilog"
  • Leo Velasco
  • Jose Luneta (patay na noong 2018 pa)
  • Geronimo Pasetes
  • Prudencio Calubid
  • Luis Jalandoni
  • Sarmiento Eduardo
  • Francisco Pascual Jr.
  • Mil Lominion
  • Fortunato Felicilda
  • Benjamin Beringel
  • Quirino Quinawayan
  • Fernando Rachel
  • Pecario Sonana
  • Jesus Solayao
  • Lino Salazar
  • Alfredo Taladro
  • Tito Gabar
  • Muco Lubong
  • Felix Dumali
  • Ciriaca Malimot
  • Luzviminda Orillo
  • Anselmo Balduhesa
  • Alfredo Mabingay
  • Bertino Oroza
  • Bonifacio Padoc
  • Rodrigo Paplona
  • Prescillono Beringel
  • Anastacio Dorias
  • Nick Ruiz
  • Sammy Labarda
  • Charlie Fortaliza
  • Luis Villena
  • Rolando Caballera
  • Donata Lumbrento
  • Luz Abejo

Walang inirekomendang piyansa sa 38.

Inihain ang kaso taong 2006, matapos "makuha ang kalansay ng 67 katao" sa Inopacan Leyte, ika-28 ng Agosto, 2006. Naninindigan ang ilan na 300 ang tinamaan nito.

'Imposibleng may kinalaman'

Sinagot naman ni Sison, na kinikilalang political refugee ng The Netherlands, ang mga akusasyon. 

Tugon ni Sison, imposibleng may kagagawan siya sa Inopacan massacre, na tinatawag niyang peke, dahil nasa maximum security detention pa siya nang diumano'y mangyari ito sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

"Wala ako sa anumang posisyon noon para mamuno sa CPP at sa rebolusyonaryong kilusan," sabi ni Sison sa isang pahayag sa Inggles.

Ayon pa kay Sison, ang mga butong nakolekta raw nina Gen. Hermogenes Esperon, na ngayo'y national security adviser, noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay "kinulekta mula sa iba't ibang sementeryo."

Giit pa ng lider komunista, ligal na opensiba lang ito noon nina Arroyo para pahirapan ang mga kalaban ng kanyang administrasyon.

"Napakabobo at halatang gawa-gawa ang listahan. Kasama sa listahan ang pangalan ng mga taong nasa kulungan nang diumano'y mangyari ito. Meron din nasa listahan na patay na dahil sa sakit o dinukot ng reaksyunaryong gobyerno," sabi pa ng exiled leader, na chairperson din ng International League of People's Struggles.

Paratang pa ni Joma, inilutuang ngayon ng rehimen ni Pangulong Rodrigo Duterte ang murder charge para mailihis ang atensyon mula sa 2,000 heinous crime criminals na pinakawalan ng gobyerno. 

"Kasabay nito, itinutuloy lang ni Duterte ang dati niyang banta na pahihirapan niya ang kanyang mga kalaban at iba pang nire-redtag," paliwanag ni Sison.

Pagpatay ng 'kasama sa kasama'

Bagama't inako ng CPP noong 1992 ang kamalian ng "Kampanyang Ahos," na umaresto't nanakit sa 1,500 rebolusyonaryo't kaalyado ng Kaliwa, at pumatay sa daan-daan sa takot ng "military infiltration," itinatanggi ng CPP na may kinalaman sila sa Inopacan massacre, na tinatawag na "Oplan Veneral Disease" ng ilan.

Una nang sinabi ng pamunuan ng CPP na krimen nina Benjamin de Vera, Ricardo Reyes at Nathan Quimpo ang Ahos.

Sina De Vera, Reyes at Quimpo ay mga miyembro ng "Caretaker Committee" na itinayo ng CPP Mindanao Commission.

Noong 2002, sinabi ni Jalandoni sa isang panayam na inaprubahan nina De Vera at Reyes ang madugong plano matapos itong buuin ng iba pang miyembro ng Mindanao Commission.

Ani Jalandoni, na kasama rin sa nais ipaaresto ng Manila court, itinago nina Reyes at De Vera sa CPP Central Committee 1985 Plenum ang planong "Ahos" habang nakakakuha sila ng mga ulat dito.

Isa si Reyes sa mga founding members ng Akbayan, isang repormistang grupo na kaalyado ng Liberal Party, matapos ang biyakan ng Kaliwa.

Nananatili ang lihim na Kaliwa na napagpunyagian na nila ang mga kamalian ng dekada '80 matapos ilunsad ang "Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto."

vuukle comment

COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINES

JOSE MARIA SISON

NEW PEOPLE'S ARMY

WARRANT OF ARREST

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with