US military magmomonitor na rin sa Scarborough Shoal
MANILA, Philippines - Nakahanda na umanong tumulong ang militar ng Estados Unidos sa pagmomonitor sa karagatang sakop ng bansa habang nananatili ang territorial dispute ng Pilipinas at China sa Scarborough o Panatag Shoal sa West Philippine Sea.
Sa report ng AFP, inuumpisahan na ang plano ng US military na magbigay ng tulong sa Pilipinas sa pamamagitan ng National Coast Watch Center.
Ang naturang center ay naka-disenyo umano para gumawa ng pangkalahatang aksyon at monitoring upang makuha ang lahat ng nagaganap sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Pinag-aaralan na rin umano ang posibleng paglalagay ng isang land-based radar bilang bahagi ng package na maaaring ibigay ng US sa Pilipinas.
Nabatid na hiniling ng Pilipinas sa US na maglaan ng radar, patrol aircraft at naval vessels ang US upang mapatatag ang posisyon at depensa nito sa pagmomonitor laban sa mga ilegal na pumapasok sa teritoryo ng bansa kabilang na ang panghihimasok ng China sa Bajo de Masinloc.
Kahapon, bagaman masama ang lagay ng panahon sa Panatag Shoal ay nananatiling nakahimpil at nagbabantay doon ang isang barko ng Philippine Coast Guard habang marami pang barko ng China ang nakaposte sa Shoal.
- Latest
- Trending