Gutom matutuldukan na, sapat na pagkain tiniyak ng DA
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Agriculture Secretary Proceso Alcala na may sapat na pagkain ang bansa hanggang sa 2013 dahil sa mainit na pakikiisa ng mga magsasaka sa mga programang ipinatutupad ng pamahalaan sa agrikultura.
Sa ikatlong Cabinet cluster sa Pilipinas Natin forum sa NBN-4 sa Quezon City hinggil sa climate change mitigation, adaptation at food security, sinabi ni Alcala na patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa mga local na pamahalaan upang maipakilala ang varieties ng palay sa iba’t ibang panig ng bansa upang para makatagal sa init na epekto ng climate change.
Sinabi din ni Alcala na ang mga lalawigan na nawasak ang mga pataniman dulot ng nagdaang mga bagyo ay patuloy na pinagkakalooban ng libreng pananim upang matulungan ang mga magsasaka na makabangon mula sa pagkalugi gayundin ay namamahagi sila ng mga fruit bearing plants para makatulong din sa mga magsasaka na mapagkunan ng kita.
Bunsod anya ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas sa bansa, malamang na sa susunod na taon ay hindi na gaanong umasa ang Pilipinas mula sa mga imported na bigas dulot na rin ng magandang ani ng palay ng mga local farmers.
Kaugnay nito, sinabi ni DENR Secretary Ramon Paje na target ng ahensiya na matamnan ang may 1.5 milyong ektarya ng lupa sa taong 2013. Sa ngayon 7.6 milyong ektarya ng lupa ang may puno at 8m ektarya ng lupa ang kalbo.
Hindi na rin anya pinapayagan ng ahensiya na makakuha ng punongkahoy ang sinuman na galing sa natural forest dahil ito ay ipinababawal na ng ahensiya ngayon sa ilalim ng Aquino administration.
Iniulat din niya na kasama na sa kanilang direktiba na ang isang batang mag-aaral na may edad mula 15 anyos ay dapat na magtanim ng 10 puno sa isang taon bilang pagsuporta sa pag-iwas sa epekto ng climate change.
Niliwanag din ni Alcala na obligasyon ng bawat mamamayan na makiiisa sa programa ng pamahalaan upang malabanan ang epekto ng climate change sa ating bansa.
- Latest
- Trending