Ambulansiya na bigay sa mga kongresista pinasosoli

MANILA, Philippines - Pinasosoli ni Deputy House Speaker at Quezon Rep. Lorenzo Tanada ang mga ambulansiya na donasyon sa mga kongresista at sa mga local government officials (LGU’s) ito’y kung nilalabag daw ng mga ito ang paraan ng paggamit.

Ayon kay PCSO general manager Ferdinand Roxas II, ilang pulitiko ang gumagamit ng ambulansya na may nakalagay na malaking mukha at pangalan nito kung saan ginagamit nila ito para sa kanilang political career sa halip na magamit ng publiko.

Matatandaan na nabunyag na mayroong 29 mambabatas na karamihan ay kaalyado at malapit kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo ang tumanggap ng mga ambulansya kahit na hindi kabilang ang mga ito sa pinakamahirap na bayan sa bansa.

Dahil dito, hinamon ni Tanada ang liderato ng PCSO na masusing ipatupad ng mga ito ang malinaw at istriktong pagpili ng bibigyan ng mga ambulansya lalo na kung ang mga ito ay pawang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Nagbanta din ang Kongresista na sa sandaling mapatunayang namili ang nakalipas na administrasyon ng pinagbigyan ng ambulansya ay maituturing itong reward dahilan sa pagpabor sa administrasyon.

Show comments