Nakumpiskang iligal na troso, ginawang upuan ng 6 paaralan
MANILA, Philippines - Napakinabangan ng mga mag-aaral ang mga illegal na troso na nakumpiska ng Department of Environment and Natural Resources matapos na gawing upuan ang mga ito.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, anim na pampublikong paaralan sa ikalawang distrito ng Quezon Province ang nakinabang sa mga nakumpiskang illegal na troso kung saan bawat isa sa mga ito ay nakatanggap ng tig-50 piraso ng arm chairs.
Aniya, sa pamamagitan ng request ni Quezon Province 2nd district Rep. Irvin Alcala sa DENR, kabuuang 6,922 board feet ng mga kumpiskadong troso ang nai-donate sa DepEd noong Oktubre 2010 at ginawang mga arm chair.
Sa kabuuang bilang ng troso na na-donate, 3,000 board feet lamang ang nagamit at nagawang 320 pirasong arm chairs, dahil ang mahigit sa kalahati ng mga ito ay nabulok at hindi na rin napakinabangan.
Anim namang elementary schools (ES) mula sa congressional district ang napiling maging benepisyaryo ng naturang school furnitures na kinabibilangan ng Talisay ES (Tiaong), Mayapyap ES (Candelaria), Loob ES (San Antonio), San Mateo ES (Dolores), Bukal ES (Sariaya), at Ransohan ES (Lucena City).
- Latest
- Trending