Psycho test sa 'rookie cops'

MANILA, Philippines - Dahil kapuna-puna na karamihan sa mga pulis na nasasangkot sa pag-abuso sa tungkulin at pagsira sa imahe ng Philippine National Police (PNP) ay mga “rookie” o mga bagito, hihigpitan na nila ang rekisitos sa recruitment para masala ang mga papasok sa organisasyon at dadalasan ang neuro psychiatric test sa lahat ng pulis upang masuri nang husto ang kanilang mga “utak”.

Ayon kay PNP Chief Director General Raul Bacalzo, labis na kahihiyan ang idinulot ng ilang mga pulis na naligaw ng landas na nasangkot sa serious grave abuse of authority at breach of discipline tulad ng rape, kidnapping for ransom, illegal detention at murder nitong nagdaang mga araw.

Nabatid na 17 himpilan, isa sa bawat rehiyon ang isasalang sa retraining sa ‘values formation’ na nag­lalayong palakasin rin ang moral at pakikitungo sa kaniyang mga kasamahan at mga tao ng mga parak.

Nauna ng inamin ni Bacalzo na apektado ang buong organisasyon bunga ng pagsira sa imahe ng PNP ng ilang mga “bad eggs” sa organisasyon na bibigyan ng karampatang parusa.

Binigyang diin pa ng opisyal na walang puwang sa serbisyo ang mga pulis na abusado sa kapangyarihan dahilan ang kailangan ng PNP ay mga ‘efficient, effective ‘ at respetadong mga parak.

Kabilang sa mga pulis na sumira sa disiplina ng PNP at pag-abuso sa kapangyarihan ay ang ilang tauhan ng Quezon City Police District na nasangkot sa kidnapping, isang pulis Maynila sa katauhan ni PO3 Antonio Bautista na umano’y nanghalay ng vendor, ang Deputy Chief of Police ng Talavera, Nueva Ecija na si Inspector Bernardo Castro na binaril at napatay ang kaniyang hepe na si Supt Ricardo Dayag, na pawang naganap nitong mga nakaraang araw lamang.

Show comments