Ika-147 kaarawan ni Bonifacio gugunitain sa Caloocan

MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang paggunita sa ika-147 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio na gaganaping sa mismong bantayog nito sa Bonifacio Monument Circle (BMC) bukas, Nobyembre 30.

Dakong alas 8:00 ng umaga sisimulan ang selebrasyon. Taun-taon ay binibigyan ng pagkilala ng lokal na pamahalaan ang kabayanihang ipinakita ni Bonifacio at ng iba pang bayani na walang takot na ipinaglaban ang Pilipinas upang tuluyan tayong makalaya sa mga mananakop na dayuhan.

Aniya, dapat na gawing modelo ng mga kabataan ang katapangan ni Bonifacio dahil sa pamamagitan nito ay makakaya nating labanan ang anumang balakid sa ating landas upang makamtam natin ang ating mga minimithi sa buhay.

Kaugnay nito, inaanyayahan din ni Echiverri ang mga residente ng lungsod na dumalo sa gaganaping paggunita sa kaarawan ni Bonifacio kung saan ay inaasahan ding dadalo ang ilang kaanak ng namayapang bayani.

Show comments