Isda sa Romblon bawal kainin
Pinagbawalan ang mga residente na kumain ng isda at iba pang lamang dagat sa Romblon kasunod ng pagkakadiskubre sa nakalalasong kemikal na sakay ng lumubog na M/V Princess of the Stars.
Sinabi ni Transportation and Communications Undersecretary Elena Bautista, pinuno ng Task Force MV Princess of the Stars na sa kasalukuyan nang sinusuri ng mga eksperto ng DOH at National Poison Management and Control Center ng University of the Philippines (NPMCC-UP) ang mga isda sa Romblon.
“Sa ating komunidad sa palibot ng pinaglubugan ng barko, nakikiusap tayo sa kanila huwag munang kumain ng isda mula doon habang inaantay natin ang resulta ng mga ginagawang pagsusuri,” ani Bautista.
Ayon kay Bautista, ngayong araw ay darating ang mga divers mula sa ibang bansa kasama ang isang barge na may crane para sa pag-ahon ng container ng kemikal. Ang lider ng divers ay isang Amerikano. Humingi ng tulong ang pamahalaan sa Estados Unidos dahil wala umanong ‘protective gears‘ na pansisid ang Pilipinas lalo na sa mga ganitong sitwasyon ng insidente ng highly toxic chemical na Endosulfan.
Upang maiahon ang container, sinabi ni Bautista na kailangang butasin ang bahagi ng barko kung saan nakalagak ang kargamento. Tukoy na nila kung saang parte ng barko nakalagak ang 40 footer container vans na may lamang 400 kahon ng endosulfan.
Sinabi ni Bautista na lahat ng mga sumisisid sa loob ng barko ay isasailalim ng karampatang pagsusuri kung saan kukunan ang mga ito ng ‘blood samples’ upang masiguro ang kanilang kalusugan. Ang sample ng dugo ay ipadadala sa Singapore upang doon masuri.
Sinabi naman ni Dr. Lynn Panganiban ng Poison Management and Control Center ng University of the Philippines, “highly catastrophic” ang idudulot ng 10MT ng endosulfan kung ito’y tuluyang mag-leak mula sa kinalalagyan nitong container.
Aniya, sa eksperimento 50 sa 80 miligram ng endosulfan ay papatay sa 50% ng populasyon ng isang rat regime at maging ng tao kung saan hindi basta nalulusaw sa tubig ang nasabing pesticide.
Bagamat wala pang patunay na hawak mga awtoridad na nag-leak na ang endosulfan mula sa barko, sinabi ni Panganiban na hindi maiaalis sa pangamba na pinasok na ng tubig ang mga karton ng kemikal.
Ayon kay Panganiban, wala pang antidote na nadidiskubre para panlaban sa kontaminasyon sa tao ng endosulfan.
Pangunahing inaatake ng kemikal ang nervous system ng tao. Ang sintomas ay pagkahilo, sakit ng ulo, panginginig, convulsion at pati na paghina ng pintig ng puso. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending