Mister ni Assunta nag-alok ng lupa sa CARP

Boluntaryong nag-alok kamakailan ang pamilya ni dating Rep. Jules Ledesma na mapasama sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang kanilang 450-ektaryang taniman sa San Carlos City, Negros Occidental. Sinamahan ni DAR Sec. Nasser Pangandaman si Ledesma at asawang aktres na si Assunta de Rossi kay Pangulong Arroyo sa Malacañang kung saan ipinahayag ng dating kongresista ang intensiyon ng kanyang pamilya na ilagay sa ilalim ng CARP ang kanilang ari-arian na nasa pangalan ng Gamboa Hermanos, Inc. na pag-aari ng pamilya.

Pinapurihan naman ng Pangulo ang hakbangin ni Ledesma at sinabi niyang makatutulong ito upang mahikayat ang iba pang may-ari ng mga lupain na kumokontra sa gobyerno sa paghahangad nito na mapanatili ang programa sa pagpapaunlad sa kanayunan na nakaatang sa CARP. Umaasa si Pangandaman na maraming may-ari ng mga lupain ang gagaya sa halimbawang ipinamalas ni Ledesma laluna sa Negros Occidental na siyang ipinapalagay na huling balwarte ng mga may-ari ng lupain na kontra sa repormang pansakahan. (Lilia Tolentino)

Show comments