Pinas binansagang 'smugglers paradise'

Hinamon ni House Assistant Majority Leader Francisco Perez II ang pulisya at militar na burahin ang maruming imahe ng Pilipinas bilang "smugglers paradise."

Ayon kay Rep. Perez, dapat palawigin pa ng pulisya at militar ang pagbabantay partikular sa mga baybaying dagat ng Pilipinas na madalas daanan ng mga smuggled goods.

Ang pahayag ni Perez ay bunsod na rin sa sinabi ng United States Bureau for International Narcotics and Law Enforcement Affairs (USBINLEA) na ang bansa ay nagsisilbing transhipment point ng shabu papuntang Japan, Australia, Korea, US, Guam at Europe.

Tinaguriang smugglers paradise ng USBINLEA ang Pilipinas dahil hindi nababantayan ang 36,000 kilometrong baybaging dagat ng pulisya at militar.

Ani Perez, dapat ding maghigpit ang pulisya sa mga economic zones at airports na sinasabing ginagamit din sa drug trafficking.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa $48,638,908 halaga ng illegal drugs ang nakumpiska ng awtoridad.

Tinataya na umaabot na rin sa 1.6 milyon, mayorya ay mga kabataan, ang drug addict. Sa nasabing bilang ay hindi pa rin kasama ang unreported cases of drug abuse. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments