MJ 'sumuko' sa US Embassy

Boluntaryong nagtungo kahapon sa US Embassy si Manila Rep. Mark Jimenez para ipaalam ang kanyang kagustuhan na kusang-loob na bumalik sa Amerika para harapin ang mga kaso niya doon.

Pasado alas-9 ng umaga ng magtungo si Rep. Jimenez sa embahada. Sinamahan siya nina House Speaker Jose de Venecia, House Majority Leader Neptali Gonzales Jr., at legal counsel nito na si Atty. Mario Bautista.

Hindi pinapasok ang mga sasakyan kaya naglakad sila papasok sa embahada at kinailangang sunduin ng isang Amerikano para tuluyang papasukin.

Sinimulan ni Jimenez na ayusin ang kanyang mga dokumento pabalik sa Amerika at kabilang sa inayos ang kanyang US visa.

Bukod dito, nakipagpulong si Jimenez at ang mga nabanggit na opisyal sa mga opisyal ng US Embassy para sa pagbabalik nito sa Amerika upang harapin ang mga kasong fraud, tax evation at political contributions.

Sa oras na dumating si Jimenez sa Amerika ay dadalhin ito sa Florida district court.

Ang ginawa umano ni MJ ay para unahan ang tangkang pag-aresto sa kanya ng NBI matapos ibasura ng Korte Suprema ang apela nito kaugnay sa isyu ng pagpipiyansa tungkol sa kanyang extradition.

Pero ayon sa embahada, ang kanyang pagpunta ay bahagi na ng proseso ng extradition. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments