DOJ takot imbestigahan si FVR

Takot umano ang Department of Justice (DOJ) na imbestigahan si dating Pangulong Fidel V. Ramos tungkol sa pinasok nitong kontrata sa Independent Power Producers (IPPs) na siyang naging dahilan upang tumaas ang singil sa kuryente dulot ng Power Purchase Adjustment (PPA).

Sinabi ng tagapagsalita ng DOJ na si Justice Undersecretary Manuel Teehankee,hindi umano maaaring isailalim sa imbestigasyon ng ganoon na lamang ang isang dating Pangulo lalo na ito ay kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ilalim ng partido ng Lakas-NUCD at kasapi rin si Justice Secretary Hernando Perez.

Inamin din ni Teehankee na patuloy pa rin nilang inaalam kung balido ang 35 kontrata na pinasok ng administrasyong Ramos noong 1993 bunga ng nararanasang krisis sa kuryente.

Nag-aalangan naman ang DOJ na tukuyin kung sinong mga opisyal ng pamahalaan ang pwedeng panagutin sa IPP contracts at kung hanggang saan ang gagawing pag-iimbestiga dito.

Pinag-aaralan naman ng DOJ kung may nilabag na probisyon ng kontrata ang IPPs, kung agrabyado ang gobyerno dito at kung may pang-aabuso ang mga nag-apruba ng kontrata.

Nanawagan naman kahapon ang Freedom from Debt Coalition (FDC) sa DOJ na kasuhan si Ramos at ang kanyang mga alipores dahil sa umano’y malinaw na pag-abuso nito sa tungkulin ng aprubahan ang IPP contracts. (Gemma Amargo)

Show comments