Nunal (38)
“BAKIT natigilan ka Anto?’’
Tanong ni Robert nang makitang natahimik si Anto nang sabihin niyang gusto nang pumunta mamayang hapon sa bahay ng babaing may nunal sa likod ng tuhod.
“Bukas na lang tayo ng umaga magpunta. Deliklado kapag inabutan tayo ng dilim kung pupunta mamayang hapon. Hindi natin kabisado yung lugar baka makatapak tayo ng ahas. O baka may makasalubong tayong lasing e mapaaway tayo.’’
“Ganun ba? E sige Anto. Ikaw ang masusunod. Pero hindi ba nakakahiya na umaga tayo pupunta sa bahay ng babae?’’
“Walang masama roon. Mabuti nga at maliwanag para makita agad ang kaguwapuhan mo.’’
Nagtawa si Robert sa sinabi ni Anto. May pagkakomikero si Anto. Akala niya ay tahimik pero may natatago palang pagka-joker.
“Teka, gaano ba kaganda ang sinasabi mong babae na nakita mo?’’
“Maganda talaga, Anto. Palagay ko mga 18 o 19-anyos ang babae. Napakaamo ng mukha. Ang ganda ng katawan. Walang kapuson-puson. Para bang nililok nang mahusay na eskultor ang kurbada ng katawan. Ang ganda talaga! At ang lalong nakapagpagayuma sa akin, mayroong nunal sa likod ng tuhod ang babae. Siya ang hinahanap ko! Siya ang gusto kong mapangasawa.’’
“Dito mo lang pala sa Maragooc makikita ang babae. E teka, paano yung si Bianca na sabi mo e hahanapin mo rito. Wala ka nang interes?’’
“Wala na Anto. Isa pa, hindi naman sa likod ng tuhod siya may nunal kundi sa likod ng hita. Kaya wala na akong interes sa kanya.’’
“E ako kaya ang maghanap sa Bianca na iyon, Robert?’’
“Aba sige. Tutulungan kitang hanapin si Bianca.’’
“Salamat. Kaya lang, magustuhan kaya ako.’’
“Huwag kang masiraan ng loob.’’
KINABUKASAN, dakong alas otso ng umaga, tinungo nina Robert at Anto ang bahay ng babae.
(Itutuloy)
- Latest