Salome
(Wakas)
“SANA, mabigyan n’yo agad ako ng apo, Mac, Salome,” sabi ni Sir Hector. “Gusto ko bago ako lumisan ay makita ko ang aking apo.’’
Kapwa napangiti sina Mac at Salome. Seryosong-seryoso si Sir Hector sa sinabi.
“Huwag kang mag-alala, Daddy at pagkatapos naming maikasal ni Salome, ang paggawa ng apo mo ang aming aatupagin, di ba Sal?’’
Kinurot ni Salome sa braso si Mac.
“Nahihiya pa itong manugang mo, Daddy.’’
“Basta bigyan n’yo agad ako ng apo at sabik na sabik na ako. Kahit lalaki o babaing apo, okey sa akin. Gusto kong makipaglaro at mag-enjoy sa buhay na kasama siya. Sana, kung makakagawa kayo nang marami, mas mabuti.’’
Nagtawa si Mac.
“Isa-isa lang muna Daddy.’’
“Kahit damihan n’yo walang problema sa mamanahin dahil iiwan ko sa kanila ang aking yaman.’’
“Hayaan mo Daddy at magugulat ka na lang na mayroon ka nang makakalarong apo.’’
“Salamat, Mac, Salome. Pinasaya n’yo ako. Nalimutan ko ang mga kasawian sa buhay.’’
Nagkatinginan sina Mac at Salome.
ISANG buwan bago ang nakatakdang kasal, umuwi sa Pinamalayan sina Salome at Mac. Binalikan nila ang dating bukirin na pinagtatrabahuhan noon ni Salome. Magkahawak-kamay silang naglakad sa damuhan.
“Maligayang-maligaya ako Mac. Walang kasing-ligaya!’’
“Ako man, Salome.’’
Pinagmasdan nila ang nahihinog na palay na ang halimuyak ay nagdagdag sa kasiyahan ng kanilang kalooban. Napakasarap ng kanilang pakiramdam habang dumadampi sa kanilang mukha ang malamig na hangin.
(Bukas, abangan ang isa pang bagong nobela ni Ronnie M. Halos.)
- Latest