P1-M sa ulo ni Dayan
MANILA, Philippines – Itinaas na ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) sa halagang P1 milyon ang pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Ronnie Dayan, ang dating driver/bodyguard ni Sen. Leila de Lima.
Ito ang kinumpirma ng VACC sa ginanap na forum sa Quezon City kung saan iniharap nina founding Chairman Dante Jimenez at Atty. Ferdinand Topacio ang isang kahon na naglalaman ng 10 bundle ng tig-isang daang libong piso bilang patunay na handa na itong makatulong sa pagdakip kay Dayan.
Naniniwala anya sila na malaki ang maitutulong ng ganitong uri ng pabuya para mapabilis ang paghuli kay Dayan.
Ayon kay Atty. Topacio, ang nasabing salapi ay mula sa mga negosyanteng nagtulong-tulong para mabuo ang nasabing halaga at makatulong sa VACC.
Nakikipagtulungan na rin anya sila sa CIDG para doon makipag-ugnayan ang sinumang may impormasyon para kay Dayan. Tiniyak naman ni Topacio na walang dapat na ikatakot ang sinumang magtuturo dahil poprotektahan anya nila ang mga ito.
Kumpiyansa naman si Jimenez na lalo lamang lumakas ang kanilang isinampang kaso sa Department of Justice laban kay de Lima lalo pa at inamin nito na nagkaroon sila ng relasyon ni Dayan.
Giit ni Jimenez, hindi na masasabing nag-iimbento lamang sila matapos na lumabas mula sa kanyang bibig ang katotohanan.
Naniniwala din ang VACC na nasa bansa pa si Dayan dahil wala pa sa rekord ng Bureau of Immigration na nagsasabing nakalabas na ito ng bansa.
- Latest