Mainit ang aksyon sa Shakey’s V-L Collegiate
MANILA, Philippines - Magbabalik-aksiyon bukas ang Shakey’s V-League Season 13 tampok ang matitikas na college varsity teams na magbabakbakan para sa Collegiate Conference crown.
Unang mapapalaban ang University of the Philippines kontra San Beda College sa alas-4 habang lalarga naman ang dating NCAA champion San Sebastian College laban sa University of Perpetual Help System Dalta sa alas-6 ng gabi na lalaruin sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Target ng National University na maipagtanggol ang kampeonato na kanilang nakuha laban sa two-time UAAP titlist Ateneo de Manila University noong nakaraang taon.
Mamanduhan ni UAAP Season 78 best spiker Jaja Santiago ang kampanya ng Lady Bulldogs kasama sina Fil-Japanese recruit Risa Sato, Jasmine Nabor, Joy Doromal, Aiko Urdas, Gayle Valdez at Jorelle Singh habang ibabalandra ng Lady Eagles sina Jhoanna Maraguinot, Kim Gequillana, Bea de Leon, Ana Gopico, Julia Morado at Michelle Morente.
Sasabak din sa edisyong ito ang reigning NCAA champion College of St. Benilde, Technological Institute of the Philippines, Far Eastern University at many-time V-League titlists University of Santo Tomas.
Magkakasama sa Group A ang NU, Ateneo, SSC, TUP at Perpetual habang nasa Group B ang St. Benilde, FEU, San Beda, UP at UST.
Magpapaluan naman sa Spikers’ Turf Season 2 Collegiate Conference ang 12 koponan sa pangunguna ng St. Benilde na nasa Group A kasama ang La Salle, FEU, NU, Philippine Merchant Marine School at Perpetual.
Magtatagisan naman ang Ateneo, Emilio Aguinaldo College, National College of Business and Arts, San Beda, UP at UST sa Group B.
Unang sasalang ang St. Benilde at La Salle sa alas-11 ng umaga kasunod ang duwelo ng UP at EAC sa ala-una.
- Latest