Western conference semis Spurs nakauna sa Thunder
SAN ANTONIO - Humataw si LaMarcus Aldridge ng 38 points at pinabagsak ng Spurs ang Oklahoma City Thunder, 124-92 sa Game 1 ng kanilang second-round series.
Iniskor ng Spurs ang pinakamaraming postseason points kontra sa Thunder at 8 points lamang ang agwat para matumbasan ang pinakamalaki nilang postseason victory.
Nagposte ang 6-foot-11 forward ng 18-for-23 fieldgoal shooting, kasama rito ang una niyang 3-pointer sa season at isang left-handed scoop shot sa pagbagsak niya sa sahig.
“It was just one of those nights,” wika ni Aldridge. “I can’t take credit for it. I was just trying to play confident and ended up making some plays that I probably won’t make the next game. It was enough for me tonight.”
Naglista ang Spurs ng kabuuang 39 assists para igupo ang Thunder.
Nag-ambag naman si Kawhi Leonard ng 25 points, 5 rebounds at 5 assists sa loob ng 22 minuto para sa San Antonio.
“Obviously, it kind of got away from them,” sabi ni San Antonio veteran Tim Duncan. “We didn’t expect that, but we’ll take it at the start of a series.”
Lumamang ang Spurs ng 43 points at tuluyan nang iniupo ang kanilang mga starters sa fourth quarter para ihanda sa Game 2 sa Lunes.
Nagsanib sina Leonard at Aldridge ng pinagsamang 45 points sa first half kung saan nila inungusan ang buong koponan ng Oklahoma City ng 4 points sa nasabing yugto.
Nagtala naman si San Antonio guard Danny Green ng 5-for-6 sa 3-point line at tumapos na may 18 pointers.
Sa kabuuan ay nagsalpak ang Spurs ng 9 for 15 sa 3-point range.
Samantala, paglalabanan ng Miami Heat at Charlotte Hornets ang semifinals berth sa kanilang bakbakan sa napakahalagang Game Seven sa first round series.
Nagtabla din sa 3-3 ang serye ng Toronto Raptors at Indiana Pacers at muling magtutuos ang dalawang koponan sa Game Seven.
Ang mananalo sa nasabing dalawang laro ang magtatagpo para sa best-of-seven semifinals series.
- Latest