^

PSN Opinyon

Cimatu-susuriin ba o sisirain?

ORA MISMO - Butch M. Quejada - Pilipino Star Ngayon

Ayan na naman ang ating mga mambabatas. Ngayon naman si General Roy Cimatu ang isasalang sa powerful na Commission on Appointments para basbasan bilang sekretaryo ng Deparment of Environment and Natural Resources.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, iba na kasi ngayon. Dati alam mo na kung sino ang papasa sa CA dahil masinsinang tinitingnan  ang kanilang mga background at nagawa sa gobierno para malaman kung kaya nila ang trabaho.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ngayon mukhang may ibang mga mambabatas na hindi lang galing ng sekretaryo ang binubusisi. Sinisigurado nila na ang kanilang mga personal at interest sa negosyo ay kasama sa “agenda’ ng sinusuring secretary. Hehehe!

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ganyan ang nangyari kay Gina Lopez. Nagkataong masyadong mai­ngay laban sa mining. Alam naman niyang  maraming nanlilisik na  mga mata sa kaniyang pinagsasabi.

Itong mga sulsol na asset natin, tuloy hindi alam kung ano pa ang ibang mga problema ni Madam Gina.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, pareho rin ang nangyari kay Madam Judy Taguiwalo. Nilait-lait ang kaniyang nakaraan  at yong ale naman ay nagsabi ng katotohanan tungkol sa kaniyang mga karanasan hindi lamang sa pag-ibig kundi sa kaniyang pagiging aktibista.  

Sabi naman ng ating mga makukulit na kuwago, nagalit daw ang maraming mababatas kasi mukhang sineryoso ang kaniyang pagtutol sa mga pork barrel at initsapwera ang mga mambabatas sa kanilang impluwensiya sa kanilang distrito sa  mga tulong ng DSWD.

  Ika nga, hindi lang pala social work ang kailangang hotraba ng isang DSWD secretary, kundi political work.

Ngayon, paano naman  ang sabi kay Gen. Cimatu ? Aba,  ang isyu ay nanahimik daw at baka walang alam sa kaniyang bagong trabaho.

Sabi nga, intriga na naman!

Ito kasing si Cimatu, sabi ng ating kuwagong haliparot, ay talagang walang hilig  pumapel. Gusto niya laging  kausap ang mga puersa para naman siguradong kumikilos sa kanilang trabaho noong siya ay nasa serbisyo pa kahit siya  na ang Armed Forces Chief of Staff.

Kaya nga siguro kinuha naman siya bilang special envoy sa Middle East dahil dito hindi pwedeng paupo-upo lang at pakape-kape sa trabaho. Siya mismo ang nakipag-negotiate  para sa madlang pinoy na na-kidnap sa Iraq.

Nalaman ko nga sa aking kuwagong sundalong Hapon, siya pala din ang nakipag-negotiate sa mga tropang AFP na sumama sa Oakwood mutiny noong 2003. At karamihan sa mga sundalong ito ay nasa loob na ngayon ng gobyerno, kasama na ang Kongreso.

Ano kaya ang reaksyon ng mga ito ngayong si Cimatu naman ang kanilang sisirain este mali susuriin pala? Tulungan kaya!

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ito palang si Cimatu ay  may mga tinakdang prioridad sa kaniyang  programa sa DENR at siyempre, may “expected outcome.” Siguro nakita niya ang kakulangan ng administrasyon ni Madam Gina, kaya  gumawa siya ng limang prioridad na magkakaroon ng resulta sa loob ng limang taong nalalabi sa  administrasyon ni Boss Digong.

Ito na nga yung  pagaayos ng forest at protected areas. Aba “good and effective governance” daw sa environmental protection. Adaptation naman sa climate change at dapat sustainable.

Papatuparin na rin niya ang social justice land titling at conservation na galing sa mga coastal at marine resources.

Wala naman talagang mga bago dito kundi yung  mantra niya na good and effective governance, inclusive growth at social justice para  maramdaman ng madlang people ang  mga programa ng DENR.

Pero  ang pagkakaiba daw nito dahil siya ay ang enforcement ng mga programang ito’, di  na bara-bara ang labanan.

Eto nga dahil makukulit ang mga NGO at maraming grupo, dapat daw makibahagi sila sa isang kilusan  para sila ay mga stakeholder sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.

Sa madaling salita, “Tayo ang Kalikasan.”

Pero dapat daw magsimula sa DENR ang mga pagbabago. Kaya sabi ng aking kuwagong sutil, aba bawat empleyado  daw sa DENR ay nangangako na ang kalikasan ay (dapat) nasa puso.

Aba, talaga ha? 

Pero ang problema nito, pakikinggan kaya siya ng mga mambabatas?

Abangan ang susunod na kabanata!

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with