^

PSN Opinyon

Imbestigasyon sa House pag-ibayuhin pang lalo

BANAT NI BATUIGAS - Pilipino Star Ngayon

KUNG nauumido ang bombang pasabog ni Edgar Mato­bato sa Senate Committee on Justice and Human Rights  matapos na magkandautal sa paggiling ng mga senador, nagtatayuan naman ang balahibo ng sambayanan habang nakikipanood sa TV sa pagbubulgar ng mga testigo ni DOJ secretary Vitaliano Aguirre II sa House of Representatives. Kaya tulala ang sambayanan kung sino ang nagsasabi ng totoo, kasi nga kung babasehan ang unang salaysay ni Matobato na  noong nasa Davao Death Squad pa siya na 1,000 katao na ang kanyang napatay.

Ngunit mukhang kinakapos na siya ng pagdetalye dahil ang kanyang mga ibinulgar laban kina President Rodrigo Duterte at Paolo ay kahina-hinala sa pandinig ng mga senador. Ang naapektuhan tuloy ay si dating Justice secretary at ngayo’y senador Leila de Lima  na napatalsik sa chairmanship committee. Ang masakit pa nito tinutumbok ng mga testigo ni Aguirre na kaya inilipat ng kulungan ang Bilibid 19 ay sa dahilang sagabal ito sa drug operation ni Jaybee Sebastian sa NBP. Ibinulgar ng mga testigo ni Sec. Aguirre na milyon-milyon datung umano ang ipinondo sa pagtakbo ni De Lima noong 2016 election.

Subalit habang umaanghang ang balitaktakan sa House of Representatives tuloy naman ang patayan sa kapaligiran matapos ang panlalaban ng drug pushers sa mga pulis. Idagdag ko pa ang pananalakay ng mga ri­ding-in-tandem at mga vigilante group na hindi nalulutas ng mga pulis ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa ngayon. Kaya ang naapektuhan at napipikon dito ay si President Rody dahil hindi siya tinatantanan ng human rights crusaders at United Nation hinggil sa extrajudicial killings sa bansa. Subalit malaki na ang pinagbago ng seguridad mula nang maglunsad ng giyera laban sa droga si President Rody at PNP chief Dela Rosa dahil bumaba na sa 45%  ang krimen.

Kanya-kanyang pamamaraan ang mga opisyales ng PNP sa paglambat at pakikipagdigma sa mga pushers/users at notorious criminals sa kanilang nasasakupan. Sa Pangasinan walang humpay ang Tokhang ng mga tauhan ni Senior Supt. Ronald Lee kung saan na-neutralized ang kilabot na rent-a-carjackers sa Urdaneta. Sa may San Carlos City napatay naman ang barangay Chairman na si Lamberto Villa, leader ng Dawis Drug Group matapos na manlaban sa mga kapulisan ni Lee nang isilbi ang search warrant.

Sa Bugallon, napatay naman ang isang Balgamil Mandapat Sison ng manlaban nang isilbi ang search warrant. Parehong high value target ang mga namatay na sangkot sa pagpalaganap ng droga. Subalit hindi naman lahat ng mga pinaghihinalaang pushers/users ay pinapatay ng mga pulis dahil ayon kay Lee napipilitan lamang ang kanyang mga tauhan na gumamit ng puwersa kung ang mga target ay lumalaban at yun namang mga sumusuko ay mabibigyan naman ng parehas na pagtrato. Ayon kay Lee nasa 8,979 pushers/users ang kanilang target sa anim na distrito sa Pangasinan sa ngayon na kung saan 103 rito ang high value target.

Malinaw na malalim na talaga ang epekto ng droga sa bansa na dapat na harapin ni President Rody at Dela Rosa. Kaya kung lumalabnaw man ang teleserye sa Senado dapat lamang na pag-ukulan ng parehas na imbestigasyon ang kaganapan sa House of Representatives dahil nariyan ang susi na magbibigay-linaw sa sambayanan sa paglaganap ng droga.  Di ba mga suki? Abangan!

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with