^

PSN Opinyon

Mga problema noong halalan

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

MARAMING problema ang naranasan ng Comelec, na siyempre ang apektado ay ang mga mamboboto noong Lunes. Banggitin ko na muna ang mga naging problema ng vote counting machines (VCM). Ito na ang pangatlong halalan na ginamitan ng mga ganitong klaseng makina. Ang katwiran ng paglipat na sa automated elections ay para mapabilis ang proseso, pati na rin ang mabilis na paglabas ng mga resulta. Banggitin ko na rin na mas mahirap dayain ang mga resulta ng ganitong klaseng paraan ng pamboboto.

Pero ilang mga problema ang lumutang pa rin nang magsimula na ang botohan. May mga makina, na bagama’t mga bago ito, ay ayaw gumana. Ilang presinto ang nakaranas ng mga ganitong problema, na nagdulot ng matinding antala sa pagboto ng marami. Hindi bale sana kung hindi mainit ang panahon, pero napakatindi nga ng ng init na hindi kinayanan ng iba. May mga reser­bang makina, pero may ilan na hindi na rin gumana, kaya kailangang magdala pa ng ibang makina mula sa bodega ng Comelec. Inabot ng lima hanggang anim na oras bago nakaboto na ang ilang presinto.

May mga makina naman na sa umpisa ay maayos, pero habang tumatagal ay pumapalya na rin. Isinusuka ang mga balota, may mga tumirik na lang, may mga nag-overheat. May mga technician na inilagay ang Smartmatic sa lahat ng presinto, pero may mga makina na hindi na talaga maayos o mapagana. May mga presinto na maling balota ang naihatid. Ito, tao na talaga ang may kasalanan.

Pero ang malaking isyu ko ay ang hirap na dinanas ng mga senior citizen at mga PWD. May mga voting center na ilang palapag ang taas, pero wala namang elevator. Wala rin namang mga wheelchair access. Wala ring mga makina na nakatalaga para sa mga senior at PWD lang. Hindi rin nagustuhan ang patakaran na pwede silang bumoto kung saan kumportable sa presinto, pero hindi sila ang magpapasok ng kanilang balota sa VCM. Hindi rin nila makikita ang resibo para ikumpirma ang kanilang binoto. Kaya ang iba ay nagpursigi umakyat ng hagdan, tiisin ang init, para makaboto lang nang maayos. Bilib ako sa kanila.

Ito ang mga dapat punahin ng Comelec. Iisipin mo na dahil ito na ang pangatlong halalan na ginamitan ng PCOS o VCM, alam na nila ang mga pwedeng maging problema. Kung bakit rin hindi pinatupad ang mall voting ay hindi ko maintindihan. Napakalaking ginhawa ito, hindi lang para sa mga senior at PWD, kundi para sa lahat. Kung magka-aberya naman sa mga makina, hindi sila naluluto sa init ng panahon. Kung sino man ang mga tumutol sa mall voting, sana naliwanagan na sila. At sana naman, hindi na maulit ang mga naging problema, dahil dapat natututo sa mga nakaraang problema at pagkakamali.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with