Centeno pasok sa main draw
MANILA, Philippines - Pumasok sa main draw si reigning champion Chezka Centeno sa prestihiyosong 2017 Amway eSpring International Women 9-Ball Cham-pionship na ginaganap sa Taipei Gymnasium sa New Taipei City, Taiwan.
Ito ay matapos puma-ngalawa si Centeno sa Group A tangan ang 2-2 rekord.
Sa huling araw ng group stage, tinalo ni Centeno si Liu Shin-Mei ng Chinese-Taipei bago yumuko kay Wu Hsiao-Wen ng Chinese-Taipei.
Sa unang araw ng kompetisyon, nagwagi ang 17-anyos Pinay cue master kay dating world champion Jasmin Ouschan ng Austria (7-3) habang natalo ito kay Kristina Tkach ng Russia (6-7).
Makakasama ni Centeno sa main draw sina Ouschan na may 3-1 record at Wu na nagtala naman ng parehong 2-2 marka.
Makakasagupa ni Centeno sa first round ng knockout stage si Hsieh Yu-Wen ng Chinese-Taipei na kasalukuyang nilalaro habang sinusulat ang balitang ito.
Hindi naman pinalad si two-time world champion Rubilen Amit sa kaniyang unang pagsalang sa knockout stage matapos yumuko kay Angeline Magdalena Ticoalu ng Indonesia, 4-7.
Nakahirit ng tiket sa main draw si Amit nang pumangalawa ito sa Group E bitbit ang 3-1 marka sa torneong may nakalaang tumataginting na $93,400 papremyo tampok ang $34,000 para sa magkakampeon.
Pinataob ng 2009 at 2013 World Pool Ten-Ball titlist sina Pia Blaeser ng Germany (7-2), Woo-Jin Lee ng South Korea (7-0) at Hsieh Yu-Wen ng Chinese-Taipei (7-4) bago tumupi kay Han Yu ng China (6-7).
- Latest