Ang Magkapatid (31)
KINABUKASAN, nag-obserba na si Ipe sa pinagsisilbihang fast food. Baka naroon na naman ang lalaking nakita niya kahapon. Kapag nakita niya, lalapitan na niya at tatanungin ito. Bahala na. Pero hindi naman siya magpapakita ng galit sa lalaki. Kakausapin niya nang maayos.
Pero hindi niya nakita ang lalaki. Para bang nahuhulaan nito ang gagawin ni Ipe kaya hindi nagpakita.
Ganundin ng mga sumunod na araw. Hindi na niya nakita ang lalaki. Pero mula noon naging mapagmatyag na si Ipe. Kapag nagsisilbi sa customer, laging nakakalat ang kanyang paningin at baka nasa paligid lamang ang lalaki. Pero wala siyang nakita.
Nang tanungin naman niya si Ada kung may napapansin sa palengke, wala rin itong nakita.
‘‘Pero maging alerto ka pa rin, Ada. Minsan kapag hindi natin inaasahan, saka natin nakikita. Lagi kang magmamatyag.’’
“Oo Kuya. Kapag nagtitinda ako, lagi kong iniisip ang mga paalala mo.’’
“Alam mo ang naiisip ko sa lalaking iyon?’’
“Ano?’’
“Baka may kinalaman si Papa sa lalaking iyon? Baka pinasusubaybayan tayo.’’
Nag-isip si Ada.
‘‘Baka nga ano Kuya? Pero ano ang dahilan?’’
“’Yun ang hindi natin alam.’’
“Ano naman ang halaga natin at kailangan tayong pasubaybayan?’’
“Iyan ang kailangan nating malaman. Baka mayroon siyang kailangan sa atin.’’
“Baka naman magbabayad ng pagkukulang sa atin.’’
“Hindi natin kailangan. Tatayo tayo sa sariling mga paa.’’
MINSAN isang hapon na mainit ang panahon, biglang nasunog ang palengke. Isang LPG ang sumabog sa puwesto ng mga kainan sa gilid ng palengke. Nadamay na ang buong palengke.
Malakas ang apoy. Natupok agad ang mga puwesto ng gulay at isdaan.
Iyak nang iyak si Ada habang akay ni Karla.
‘‘Tayo na, umalis na tayo. Masusunog tayo rito.’’
“Paano ang mga gulay ko Ninang.’’
“Hayaan mo na!’’
(Itutuloy)
- Latest