Simula ngayon Re-blocking, number coding sinuspinde ng MMDA
MANILA, Philippines - Upang mabigyan-daan ang paggunita ng Undas at inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko, pinasuspinde muna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapatupad ng road re-blocking sa ilang lugar na apektado ng proyekto, gayundin ang number coding sa mga provincial buses.
Maging ang number coding na ipinatutupad sa mga provincial buses ay suspendido rin simula ngayong araw na ito (Oktubre 30) at base ito sa abiso ng ahensiya kahapon.
Nabatid, na tuwing Biyernes ng gabi ay sinisimulan ng DPWH ang kanilang road re-blocking o pagkukumpuni sa mga ilang kalsada sa Metro Manila na apektado ng road project ng pamahalaan pero, ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino ay hindi muna nila ito pinahintulutan para na rin sa mga magsisiuwian sa mga lalawigan.
Una nang inanunsiyo ng MMDA ang suspensiyon ng number coding sa lahat ng sasakyan bukas (Oktubre 31) kahit hindi naman ito deklaradong holiday.
Ang lungsod ng Makati, ay nagpalabas na rin ng kautusan na suspendido rin ang number coding simula bukas, araw ng Biyernes (Oktubre 31).
- Latest