7-anyos dedo sa selebrasyon ng birthday
MANILA, Philippines — Humantong sa trahedya ang ikapitong taong kaarawan ng batang lalaki matapos itong malunod sa swimming pool sa Mountain View Resort, Level 1300 sa Barangay Poblacion, bayan ng Itogon, Benguet kamakalawa ng hapon. Idineklarang patay sa Notre Dame Hospital sa Baguio City ang biktimang si Jian Cayapa, Grade 1 pupil, ng Binanga Norte, Barangay Tuding. Sa police report na naisumite sa Camp Crame, nagtungo ang biktima sa nasabing resort kasama ang kanyang pamilya upang idaos ang kanyang ikapitong kaarawan. Gayunman, sa sobrang abala sa mga bisitang dumalo ay nakalingat ang ina nito kung saan sa sobrang kakulitan ay nagtungo sa pang-matandang swimming pool ang bata kasama ang kuya nitong isa ring bata. Nagulantang na lang ang pamilya ng biktima nang humahangos na tumakbo dito ang kuya ng bata at sabihing lumubog na sa swimming pool ang kapatid na napagawi sa malalim na bahagi.
- Latest