Ang Magkapatid (142)
NATIGILAN si Gemo. Tila ba tumusok sa puso nito ang mga sinabi ni Ada. Parang naliwanagan.
“Halika at magkape muna tayo bago umuwi sa inyo sa Calamba. Hindi pa naman siguro tayo gagabihin. Ayun dun sa paborito nating coffe shop muna tayo magkuwentuhan. Puwede Gem?’’
Tumango si Gemo.
Tinungo nila ang paboritong coffee shop. Malakas ang kutob ni Ada na mapapakiusapan niya ang nobyo na mapatawad na nito ang ama. Malaki ang pag-asa na nararamdaman ni Ada.
Habang hinihintay ang kanilang order, muling ikinuwentio ni Ada ang ginawa nilang pagpapatawad sa kanyang ama na umabandona rin sa kanila. Mas matindi pa nga raw ang nangyari sa kanilang magkuya sapagkat silang dalawa lang ang pumasan ng responsibilidad na dapat ay ang papa nila ang bumabalikat.
“Gaya nang nasabi ko sa’yo, galit na galit din kami kay Papa at ayaw talaga namin siyang makita. Nakadagdag pa nga sa galit namin na inapi-api si Mama nang mismong lola namin. Mahirap daw kasi si Mama at hindi bagay kay Papa. Mas matindi ang ginawa ng pamilya ni Papa kaya talagang mahirap patawarin pero nagbago ang aming pananaw ni Kuya. Pinatawad namin si Papa na noon ay may taning na pala ang buhay. Alam mo, iyak ako nang iyak nang makita si Papa. Payat na payat siya. Humingi ng tawad sa amin ni Kuya. Maligaya na raw siyang mamamatay. Alam mo pagkatapos naming mapatawad si Papa, ang gaan ng aming pakiramdam. Ako, parang nabunutan ng pako sa dibdib.’’
Dumating ang order nila. Umuusok na kape at may ka-match na dalawang piraso ng paborito nilang chocolate cake.
Humigop si Gemo.
“Pakiusap ko Gemo, patawarin mo na ang Papa mo. Alam ko, kaya mo siyang patawarin. Alam ko, mabait ka at mahal mo ang iyong mama.’’
Hindi makatingin si Gemo.
“Alam ko, kaya mo Gemo.’’
Tumango si Gemo. Pagkaraan ay napangiti.
Si Ada ay napaluha sa kasiyahan.
(Itutuloy)
- Latest