PSN Dr.Love ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Tunay na apo ang paborito

Dear Dr. Love,

May anak sa pagkabinata ang asawa ko. Dahil mahal ko si Derick, itinuring kong akin ang anak niya at sinisikap ko rin mailapit ang bata sa pamilya ko.

Matunog na mommy, lolo, lola, tito at tita ang tawag niya sa mga magulang at mga kapatid ko. Pero alam ko naman na napipilitan lang silang pakibagayan ang bata at si Derick.

Anim na taon na si Melvin nang magbuntis ako at nang ipanganak ko si Harry ay doon na nangibabaw ang malaking kaibahan nang pagtrato ng pamilya ko sa aming anak, kumpara sa anak ni Derick.

Tuwing birthday at Pasko ay puro mamahaling laruan ang regalo nila kay Harry habang kay Melvin ay kung ano na lang plastic na laruan. Ipinagdamdam ito ng asawa ko at sinabing ipinapakita lamang ng pamilya ko ang kawalan ng respeto sa kanya.

Ito na po ang simula nang pagka-alangan niya sa aking pamilya. Ang sabi niya kung masasaktan din lang ang kanyang anak sa nagiging trato ng pamilya ko ay hindi na lang daw niya isasama si Melvin sa bahay namin.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Dr. Love ginagawa ko naman po ang lahat para mapalapit ang loob ng pamilya ko sa bata, pero anong magagawa ko, hindi ko kayang diktahan ang kalooban nila. Dahil dito ay minabuti ko na minsanan na lang ang pagbisita sa pamilya ko at sa mahahalagang okasyon na lang kami pupunta gaya ng Pasko at Bagong Taon.

Sa kabila ng effort ko ay nagkakasamaan kami ng loob ni Derick. Bago po lumaki ang problema naming mag-asawa, pagpayuhan po ninyo ako kung ano at paano ang gagawin ko para mare­medyuhan ito.

Maraming salamat po at happy holidays.

Gumagalang,

Susan

 

Dear Susan,

Naniniwala ako na anumang hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa ay masusulusyunan kung may isang handang magpakumbaba. Yaman din lang na nasa iyo ang pang-unawa ay doblehin mo ang pagpapasensiya sa iyong asawa.

Sa halip na patulan mo siya ay sikapin mong busugin nang pagmamahal ang inyong mga anak nang sa gayon, hindi mangyari ang pangamba ni Derick na makaapekto kay Melvin ang naiibang trato sa kanya ng iyong pamilya.

Dr. Love

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: