Mahal pa rin, kahit iniwanan
Dear Dr. Love,
Magsasampung taon na kaming hiwalay ng asawa ko. Iniwan niya kami noong pitong taong gulang palang ang panganay namin habang ipinagbubuntis ko naman ang pangalawa naming anak.
Ipinagpalit niya kami sa isang biyuda na may sampung anak pero sustentado ng kinakasama nitong Amerikano.
Nakakatawang isipin, Dr. Love. Pero hindi ang babae ang habol ng asawa ko, kundi ang karangyaang naibibigay sa kanya ng biyuda. Dahil kahit hindi siya magtrabaho, kaya siyang pakainin at bihisan ng kabit niya.
Napakasakit nito at hindi ko sukat-akalain na malalampasan ko ang bahaging ito ng buhay ko. Salamat na lang at nariyan ang mga magulang at kapatid ko na hindi ako tinalikuran.
Nang makaraos ang panganganak ko, nagsikap akong kumayod para hindi iasa ang lahat sa pamilya ko. Mula sa pagiging sales lady, office staff, ngayon po ay OFW na ako.
Malaki na ang mga bata at may bagong pag-ibig na rin ako. Ang problema po, nang minsan nakita ko ang account ng mister ko sa Facebook naramdaman kong andun pa rin ang pagmamahal ko sa kanya. At bigla ko siyang na-miss.
Sa estado ng kalooban ko ngayon, kaya kong kalimutan lahat para mabuo ang aming pamilya. ‘Yun ay kung hihingi siya ng tawad.
Nagkakasala po ba ako sa boyfriend ko ngayon, sa kalooban kong ito? Payuhan po ninyo ako.
Maraming salamat and more power!
Epi
Dear Epi,
Hindi mo nabanggit kung kasal kayo ng tinutukoy mong asawa. Pero kung ako sa’yo kahit may feelings ka pa sa mister mo ay kalimutan mo na siya. Dahil wala siyang “balls,” ika nga. Hindi niya kayang panindigan at harapin ang kaakibat na responsibilidad ng pagpapamilya.
Huwag mo nang hangarin pa na muling madapa. Dahil kung hindi ka mag-iisip, hindi lang ikaw ang iinda ng sakit, kundi pati ang mga taong tumulong sa’yo para makabangon.
Dr. Love
- Latest