^

Dr. Love

Pangakong ititira sa tore

Pilipino Star Ngayon

Dear Dr. Love,

Hinding-hindi ko pa malilimutan ang mga ipinangako sa akin ni Denver nang sagutin ko siya sa panliligaw, ititira raw niya ako sa tore tulad ni Rapunzel para tanging siya lang ang makakakita sa akin.

Seloso daw siya at ayaw na ayaw niyang mayroon siyang makakasalong iba sa pagmamahal ko. Dahil wala pa akong karanasan sa pag-ibig, naging sunud-sunuran ako sa lahat ng sabihin niya.

Kahit pa istrikta ang nag-aruga sa aking tiyahin, dahil ulila na akong lubos ay nalulusutan ko para sa panakaw na sandali namin ni Denver. Hanggang sa hindi na po maitago ang lihim, dahil lumolobo na ang aking tiyan.

Niyaya na po akong magtanan ni Denver at itinira niya ako sa apartment na una niyang sinabi na pag-aari ng tiyahin niyang si Aida. Nasa third floor po kami.

Nang mairaos ang aking panganganak ay saka lang ako nagkalakas ng loob na bumalik sa aking tiyahin na nagboluntaryong aalagaan niya ang aming anak.

Nagdalantao ako sa pangalawang pagkakataon, pero wala pa rin ang usapang kasal. Kung minsan nagpapaalam si Denver para raw mag-overtime. Pero nang magkabukuhan na nang magsama siya ng halos kaedad ko lang na babae sa apartment, nalaman kong hindi niya tiyahin ‘yung Aida kundi legal niyang asawa.

Ang sabi ni Aida dahil nakita niya namang inosente ako at naging tanga lang sa pagpatol sa batugan niyang asawa, hindi na raw siya mag­dedemanda, iiwanan na lang niya si Denver na pabigat lang sa buhay. Wala pa itong trabaho at bumababa lang sa second floor ng apartment kung saan sila nakatira ni Aida para matulog.

Sa inis ko ay bumalik din ako sa aking tiyahin. Dr. Love pwede ko bang idemanda si Denver at obli­gahing sustentuhan niya ang dalawa naming anak?

Gumagalang,

Henrietta

Dear Henrietta,

Oo naman! Subukan mong lumapit sa Public Attorney’s Office, sa pagkakaalam ko ay tumutulong sila ng libre sa mga walang sapat na kakayahan. Sila ang magtuturo sa iyo kung paano matuturuan ng leksiyon ang gumuyo sa iyo. Pero kung hindi magiging sapat ang pisi mo sa pabalik-pabalik pa lang…makakabubuti na kalimutan mo na lang ang lalaking ‘yan at magsikap na itaguyod ang mga bata alang-alang sa kanilang kinabukasan. Sa palagay ko, hindi ka naman hahayaan ng iyong tiyahin.

DR. LOVE

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with