Sandiganbayan pinaaaresto si ER Ejercito
MANILA, Philippines – Pinaaaresto ng Sandiganbayan ngayong Lunes ang nasipang Laguna Gov. Emilio Ramon “ER” Ejercito III o mas kilala sa tawag na Jeorge “ER” Ejercito Estregan matapos hindi sumipot sa kaniyang arraignment para sa kasong graft kaugnay ng maanomalyang transaksyon noong alkalde pa siya ng Pagsanjan, Laguna.
Kaagad namang dumipensa ang kampo ni Ejercito at sinabing naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center (CSMC) sa San Juan City ang dating gobernador mula pa kahapon.
Nagbigay ng medical certificate ang abogadong si Antonio Jose Gerardo Paz kung saan may petsa itong Abril 18, 2016.
Nakalagay sa medical certificate na Abril 17 pa naka-confine si Ejercito dahil sa sintomas ng “community acquired pneumonia with moderate risks.”
Hindi naman ito tinanggap ng Sandiganbayan Fourth Division dahil sa pagkakaroon ng bura sa petsa ng sulat.
Kinuwestiyon din ng korte ang hindi pagkakatugma ng nakapangalang doktor na si Doctor Bagno habang ang nakapirma ay si Doctor Maria Fe Alvarez.
Wala ring dry seal o stamp na magpapatunay na galing sa CSMC ang medical certificate.
“This certificate has no value [to] this court. It cannot be used for legal purposes. This kind of medical certificate should only be presented in school,” pahayag ni Sandiganbayan Fourth Division Chair Associate Justice Jose Hernandez.
Bukod kay Ejercito, walo pang katao ang inirereklamo ng graft dahil sa insurance deal sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Pagsanjan at ng First Rapids Care Ventures noong 2008.
Lumabas sa imbestigasyon ng Ombudsman na walang naganap na public bidding at nalaman ding walang lisenya ang First Rapids Care Ventures mula sa Insurance Commission.
Nasipa sa pagkagobernador si Ejercito dahil sa overspending noong 2013 polls.
Pinagtibay naman ng Korte Suprema ang desisyon ng Commission on Elections noong Pebrero 2015.
- Latest























